Kinuwestiyon kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang timing ng paglantad ng tatlong whistleblower kaugnay ng umano’y dayaan sa halalan, gayong tatlong linggo na ang nakalipas matapos ang eleksiyon.
“Bakit ngayon lang? Kung may ebidensiya talaga sila ng dayaan, bakit ngayon lang sila lumantad? Tatlong linggo na ang nakalipas. Dapat noon pa sila lumabas,” sinabi ni Bautista nang kapanayamin ng DZMM.
Nitong Lunes, dinala ni Pastor Boy Saycon, ng Council of Philippine Affairs (COPA), sa Senado ang tatlong whistleblower na nagsabing nakibahagi sila sa pagmamanipula ng resulta ng botohan sa Quezon nitong Mayo 9 upang paboran ang ilang kandidato ng Liberal Party.
Lumantad ang sinasabing mga whistleblower ilang oras bago iprinoklama ng Kongreso sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang bagong halal na pangulo ng bansa, at si Camarines Sur Rep. Leni Robredo, na nanalong bise presidente.
Gayunman, nagpahayag ng pagdududa si Bautista tungkol sa iginigiit ng mga whistleblower dahil sa matindi ang seguridad na inilatag ng Comelec para sa automated election system (AES).
“There are many checks and balances, several safeguards. Kaya naman hindi ako makapaniwala sa mga ganitong akusasyon nila,” aniya.
Bukod dito, tinukoy din ni Bautista ang public website na nagpakita sa lahat ng Election Return (ER) mula sa 92,509 na clustered precinct at ang pag-iisyu ng voter’s receipt bilang ilan sa mga counterchecking measure na ginawang available sa lahat.
Sinabi ni Bautista na sa nakalipas na mga eleksiyon ay may ilan ding nag-akusa ng dayaan, ngunit walang sinuman sa mga ito ang nagprisinta ng matibay na ebidensiya. (LESLIE ANN G. AQUINO)