Aasahan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa tatlong pangunahing daan sa Quezon City dahil sa reblocking at pagkukumpuni ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Commonwealth, Mindanao at Congressional Avenue ngayong weekend.

Sa inilabas na abiso ng DPWH National Capital Region, kukumpunihin ang dalawang southbound lane ng Commonwealth Avenue mula Commonwealth Market hanggang West Riverside overpass. Isasara rin ang pangalawang northbound lane ng Commonwealth Avenue mula Ever Gotesco Mall hanggang sa Batasan Road.

Aayusin din ang northbound lane ng Mindanao Avenue mula Catleya Street hanggang Road 8, at ang ikalawang linya patungong silangan ng Congressional Avenue Extension sa pagitan ng Visayas Avenue hanggang sa harapan ng Tierra Pura Subdivision.

Ang mga apektadong daan ay inaasahang bubuksan sa trapiko sa Lunes, 5:00 ng madaling araw. (Mina Navarro)

'Para pa ba sa akin 'to?' Zephanie, muntik nang umexit sa showbiz