Dalawang alkalde sa Mindanao ang nahaharap sa magkahiwalay na kaso ng graft at malversation sa Sandiganbayan dahil sa kabiguan umanong idetalye ang naging paggastos sa pondo ng kani-kanilang munisipyo.

Kinilala ng Office of the Ombudsman (OMB) ang mga kinasuhan na sina Mayor Crisostomo Eguia , Jr., ng Katipunan, Zamboanga del Norte; at Mayor Wilfredo Asoy, ng Dinas, Zamboanga del Sur.

Batay sa report ng Commission on Audit (CoA), sinabi ng OMB na tumanggap si Eguia ng travel expenses na nagkakahalaga ng P2 milyon simula 1998 hanggang 2011 upang nabigong idetalye kung paano ginastos ang pera sa kabila ng paulit-ulit na utos sa kanyang idetalye ito.

Ayon pa sa report, tinukoy din ng CoA ang ilang kakulangan sa disbursement, gaya ng kawalan ng mga susuportang dokumento, ng travel order, ng mga resibo at itinerary travels na inaprubahan ng alkalde sa halip na ang gobernador.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Ipinag-utos din ng Ombudsman ang pagsibak sa serbisyo kay Eguia at sa dalawang kapwa niyang akusado na sina Cipriano Plazos at Urdaneta Madridondo, treasurer at accountant, ayon sa pagkakasunod, ng Katipunan.

Samantala, ang kaso naman ni Asoy ang nag-ugat sa kanyang kabiguang maipaliwanag ang P2.4 milyon ginastos sa gasolina, construction materials, at sa pagbibiyahe. (Jun Ramirez)