Jaclyn copy copy

“NO, hindi na kailangan ang motorcade, sapat na ang warm welcome sa akin ng mga Kapuso, mula pa sa guards sa gate hanggang dito sa presscon. Narito ang mga TV executives, sina Ms. Lilybeth Rasonable, si Ms. Redgie Magno at kayo, sapat na iyon sa akin.”

Ito ang sagot ni Ms. Jaclyn Jose, ang una at only Filipina at Southeast Asian actress na nanalo bilang pinakamahusay sa katatapos na 69th Cannes International Film Festival sa France, para sa pelikulang Ma’Rosa, nang tanungin kung papayag siyang mag-motorcade para malaman ng mga kapwa Pilipino ang napakalaking achievement na naibigay niya sa bansang Pilipinas.

Parang walang kapaguran si Jaclyn na umalis ng France Monday afternoon at Tuesday evening siya dumating sa bansa, diretso sa GMA Network para sa press launch ng bago niyang sitcom na A1 Ko Sa ‘Yo.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Dala-dala ni Jaclyn ang pinanalunan niyang trophy, ang napakagandang Palme d’or Chopard trophy.

Naikuwento ni Jaclyn na masaya siya na nakadalo siya sa Cannes, kasama ang anak na si Andi Eigenmann, na first time niyang nakatrabaho sa Ma’Rosa. Gusto raw kasi niyang maranasan din ng anak kung ano ang naramdaman niya nang tumapak sila sa red carpet, na kasama rin ang director nilang si Brillante Mendoza. 

Naaliw daw siya during the awarding ceremony lalo na’t hindi naman siya nag-expect ng panalo, gandang-ganda raw siya sa stage, naroon lahat ng best actress nominees. 

“Kaya hindi ko napansin na award na sa best actress ang tatawagin, narinig ko na lamang tinawag ang pangalan ko at walang patid na ang palakpak. Nang tumayo ako lalong walang tigil ang palakpak, at ako naman, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, no amount of words ang puwede kong sabihin para magpasalamat. Sa premiere night pa lamang namin ng movie, napaiyak na si Direk Brillante (Mendoza) dahil tumagal ang palakpak ng mga nanood ng seven minutes pagkatapos ng screening.

“Overwhelming sa akin iyong tinatawag ako ng mga kababayan natin na naroon sa venue, kaya kahit masakit na ang mga paa ko nilapitan ko sila at nagpa-picture sa kanila. Iba pala ang feeling, it’s good na kasama ko si Andi.”

Pero nalaman namin na muntik na pala siyang mag-back-out sa Ma’Rosa dahil inutusan siya ni Direk Brillante na magpapayat.

“Eh, ayaw ko, sabi ko palitan na lang niya ako dahil ayaw kong mag-reduce, ang sarap kasing kumain. Pero binalikan niya ako, at natuloy din ang paggawa namin ng movie.”

Tinanong si Jaclyn kung ano sa palagay niya ang partikular na eksena na nagustuhan ng jurors at ikinapanalo niya?

“Alam mo naman si Brillante, ayaw niya na umaarte ka, kaya kinalimutan kong lahat ang alam ko sa acting, ginawa ko kung ano ang character na ginagampanan ko, kaya alam ko ang eksenang iyon na ginawa ko, iyong kumakain ng fishball, it’s from my heart. Kaya nagpapasalamat ako sa mga pagbubunyi, sana mai-share namin ito sa inyo, panoorin ninyo ang Ma’Rosa na baka pumayag si Direk Brillante na ipalabas sa Metro Manila Film Festival.” (NORA CALDERON)