Naniniwala si Lakas-CMD President at outgoing Leyte Rep. Martin Romualdez na magiging aktibo si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa pagtulong sa administrasyon ni incoming President Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos ihayag ni Duterte noong nangangampanya na isusulong niya ang pagpapalaya kay Arroyo mula sa Veterans Memorial Medical Center, na roon ito naka-hospital arrest sa nakalipas na apat na taon.

Nasa ikatlo at huling termino bilang kongresista, hiniling ni Arroyo sa Korte Suprema na agad na resolbahin ang kanyang mosyon na isailalim siya sa house arrest dahil na rin sa kanyang karamdaman.

Matatandaan na dalawang beses ibinasura ng Sandiganbayan ang hiling ng dating Pangulo, na nahaharap sa kasong plunder dahil sa umano’y paglustay sa P365 milyon halaga ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at payagang sumailalim sa house arrest.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Sa kanyang pangangampanya sa Angeles City at sa ibang lugar sa Pampanga, sinabi ni Duterte na pabor siya na makapagpiyansa si Arroyo.

Bilang isang dating prosecutor, sinabi rin ni Duterte na madali niyang makilatis kung may malakas na ebidensiya o wala na pinanghahawakan ang gobyerno upang pagbasehan ng Sandiganbayan sa pagbasura sa mosyon ni Arroyo.

(Ben R. Rosario)