INILUNSAD ng pamunuan ng Rizalenyo Sulo Award Group ang Search for Outstanding Rizalenyo para sa mga natatanging taga-Rizal na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan na ang talino, kakayahan at nagawa ay naging kontribusyon hindi lamang sa lalawigan kundi sa ating bansa.
Ayon kay G. Ver Esguerra, chairman ng Rizalenyo Sulo Award Group, ang paghahanap ng mga natatanging Rizalenyo ay bukas sa lahat ng taga-Rizal at maging sa mga taga-ibang bayan at probinsiya ngunit may sampung taon nang naninirahan sa Rizal.
Ang mga mapipiling natatanging Rizalenyo ay pagkakaloban ng Gawad Rizal. Ang awarding ay gagawin sa Hunyo 18 sa Event Center ng SM City Taytay bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Ang pagkakaloob ng Gawad Rizal ngayong 2016 ay ikalimang taon na. Sinimulan ang pagbibigay ng pagkilala sa mga natatanging Rizalenyo noong Hunyo 19, 2012. Proyekto ng Sulo Rizalenyo, ang mga mapipiling natatanging Rizalenyo ngayong 2016 ay ihahayag isang linggo bago ang kaarawan ng ating Pambansang Bayani.
***
Kaugnay ng eleksiyon nitong Mayo 9, muling nahalal si Antipolo City Mayor Jun Ynares na may 212,662 boto laban kay Ronaldo Leyva na may 40,467 boto. Nanalo naman sa pagka-vice mayor si Ka Pining Gatlabayan laban kay dating Antipolo Mayor Nilo Leyble. Si Ka Pining Gatlabayan ang running mate ni Mayor Ynares.
Nanalo rin si Chiqui Roa Puno bilang congresswoman ng unang distrito ng Antipolo, kapalit ni Rep. Robbie Puno, na matatapos na ang term sa Hunyo 30. Muli namang nahalal ang unopposed na si Rep. Romeo Acop ng ikalawang distrito ng Antipolo.
Nanalo ring muli si Congressman Jun Rodriguez ng ikalawang distrito ng Rizal, at wala rin siyang kalaban. Sa Morong, tinalo ni incumbent Mayor Mando San Juan si Vice Mayor Jojo Buenaventura. Sa Pililla, tinalo ni Dan Masinsin sa pagka-mayor si Gng. Anna Maria Masikip, butihing maybahay ni Mayor Leandro Masikip, na nanalo namang vice mayor.
Sa Tanay, nanalong mayor si Rex Manuel Tanjuatco kapalit ng kanyang amang si outgoing Mayor Lito Tanjuatco. Nanalo rin si Tanay Vice Mayor Jimmy Visda, habang muling tinalo ni Angono Mayor Gerry Calderon si retired Gen. Virtus Gil.
***
Naiproklama na ng Comelec nitong Mayo 19 ang 12 senador na nanalo sa eleksiyon. Tatlo sa kabila ay balik-Senado: sina Ping Lacson, Migs Zubiri, at Dick Gordon. Kasama rin sa mga ipinroklama ang mga re-electionist na sina Sen. Ralph Recto, Senate President Franklin Drilon, at Sen. Tito Sotto. Apat naman ang mga bagong mukha sa Senado, sina Manny Pacquiao, Risa Hontiveros, Joel Villanueva at Leila de Lima. Nang hingan ng opinyon, labis na tinutulan ng dating Justice Secretary ang pagbabalik ng death penalty.