ISULAN, Sultan Kudarat – Sinampahan na ng kaukulang kaso ang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Talitay, Maguindanao na kumandidatong assemblyman nitong eleksiyon, at ang kanyang maybahay, matapos masangkot sa pagbebenta ng shabu.

Matagal nang nasa watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sa bisa ng search warrant ay natimbog sina Sammy Macmod Nandang, barangay chairman; at Alicia Hashim Nandang, 32, sa operasyon ng PDEA-ARMM, Datu Odin Sinsuat Police, at militar sa bahay ng mag-asawa sa SPDA Village sa Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat nitong Mayo 19 ng umaga.

Nakuha umano sa pag-iingat ng mga suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang halaga na P75,000.

Mariin naman ang pagtanggi ng mag-asawa sa akusasyon laban sa kanila. (Leo P. Diaz)

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito