May 17, 2026

Home BALITA

Ombudsman Remulla, sinilip umano’y ‘bloated expenses’ sa private hospitals

Ombudsman Remulla, sinilip umano’y ‘bloated expenses’ sa private hospitals
Photo courtesy: Boying Remulla/FB


Pinatutsadahan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga umano’y ilang pribadong ospital na nagpapabayad ng malalaking hospital charges sa kanilang mga pasyente.

Sa pakikipanayam ni Remulla sa programang “Executive Session” ng DZRH noong Sabado, Abril 11, sinabi niyang dapat daw tutukan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang nasabing isyu.

“‘Yong mga private hospital kasi, minsan sobrang taas ng presyo. Halimbawa, room rates, sobrang taas, e ang sinusubsidize ng PhilHealth [ay] maliliit. So dapat, pag-aralan ulit, gumawa ng bagong schedule. Room rates lang kasi, malaking tulong na ‘yan e. Mas malaking parte ang masagot [ng gobyerno],” ani Remulla.

“‘Yong mga ER expenses, laging bloated ‘yan ha. ER expenses, dapat ‘yan ayusin ng ano ‘yan, PhilHealth. Sobrang mahal ng ER expenses. Kaya ‘pag nagpa-ER ka para kang ano e, para kang nagulpi ulit, e,” dagdag pa niya.

Pagkuwento pa ng Ombudsman, nananatili ang scheme na ito sa “gray area” ng kanilang hurisdiksyon at kapangyarihan.

“It’s still a gray area kung covered namin o hindi, kasi PhilHealth funds, e,” anang Ombudsman.

Nagkomento rin sa nasabing programa si Senador JV Ejercito, kaugnay pa rin sa umano’y pananamantala sa hospital rates.

“‘Yong PhilHealth, nandiyan dapat para sagutin. Kaya lang marami rin ang nagsasamantala na mga private hospitals na itaas ‘yong rates. ‘Yong HTAC… dapat tingnan din ito,” saad ni Ejercito.

Gayumpaman, wala namang pinangalanang pribadong ospital ang Ombudsman at senador sa nasabing panayam.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng PhilHealth kaugnay dito.

Politics

SP Cayetano, sinulatan mga senador; impeachment court magko-convene sa Mayo 18