Kanselado ang ilang aktibidad na idaraos sa selebrasyon ng Balangay Festival 2026 sa darating na Mayo dahil sa patuloy na kinahaharap na krisis ng bansa sa krudo.
Ayon sa anunsyo ng Butuan City noong Biyernes, Abril 10, kasunod ng deklarasyon ng State of National Energy Emergency sa bansa noong Marso, layon ng kanselasyong ito na ituon ang plano ng lungsod sa agarang pangangailangan ng kanilang mga residente.
MAKI-BALITA: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!
Kaya ang mga sumusunod na aktibidad ang kanselado para sa taong ito:
- Lamdag Balangay
- Indak Balangay
- Festival of Talents
- Butuan Volleyball Exhibition
- 3rd Bugsay Balangay National Dragon Boat Club Crew Competition
Habang ang Mutya Hong Butuan ay pansamantalang ipinagpapaliban.
Batay pa sa anunsyo ng Butuan City, habang ang ilang aktibidad nila ay kinansela at ipinagpaliban muna, tiniyak naman nilang magpapatuloy ang komemorasyon sa ika-50 anibersaryo ng Balangay Excavation.
Dahil anila, ang diwa ng Balangay ay hindi lamang natutukoy sa panahon ng kasaganahan.
Bagkus, ito ay lubos na nabibigyang pag-alala sa panahon ng pagkakaisa at katatagan para sa iisang layon.
Sa kaugnay na ulat, ang Balangay Festival o Balanghai Festival ay isang kultural at relihiyosong selebrasyon na ipinagdiriwang tuwing Mayo sa Butuan City, Agusan del Norte upang kilalanin at alalahanin ang sinaunang bangka na ginamit sa paglalayag sa bansa.