Hindi biro ang init ng tag-araw sa Maynila, at habang patuloy na tumataas ang temperatura, marami ang naghahanap ng paraan upang makapagpalamig nang hindi gumagastos nang malaki.
Bagama’t maraming sports club, pribadong resort, at hotel pools sa Metro Manila, kadalasan ay may kamahalan ang mga ito at hindi praktikal para sa panandaliang paglangoy. Kamakailan din, inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government na hindi na pinapayagan ang paggamit ng inflatable pools sa mga kalsada bilang bahagi ng kanilang “Safer Cities” initiative.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad
Dahil dito, nagbukas ng alternatibo ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng libreng paggamit ng mga pampublikong sports complex at swimming pool.
Sa Tondo, bukas ang Vitas Aquatic Center mula Martes hanggang Biyernes, 10:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali, at 1:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon tuwing weekend.
Matatagpuan din sa Tondo ang Patricia Sports Complex, na nag-aalok ng indoor swimming mula 2:00 hanggang 4:00 ng hapon tuwing Martes hanggang Biyernes, at 12:00 hanggang 3:00 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Sa Santa Cruz naman, bukas ang Andalucia Sports Complex tuwing weekend, 4:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi tuwing Sabado at 2:00 hanggang 8:00 ng gabi tuwing Linggo.
Para sa mga nasa Sampaloc, maaaring magtungo sa Dapitan Sports Complex na bukas mula Martes hanggang Biyernes, 12:00 hanggang 3:00 ng hapon, at 11:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Sa Paco, may pabago-bagong schedule ang Bagong Buhay Sports Complex—1:00 hanggang 5:00 ng hapon tuwing Martes at Miyerkules, at 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali mula Huwebes hanggang Linggo.
Samantala, sa Pandacan, bukas ang Jacinto Ciria Cruz Sports Complex mula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali tuwing Martes hanggang Biyernes, at 1:00 hanggang 4:00 ng hapon tuwing Sabado at Linggo.
Paalala ng pamahalaang lungsod na sarado ang lahat ng nabanggit na swimming pool tuwing Lunes para sa maintenance.
Sa gitna ng matinding init, inaasahang makatutulong ang mga libreng pasilidad na ito upang mabigyan ng ligtas at abot-kayang paraan ng pagpapalamig ang mga residente ng Maynila.