May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Patas na lumalaban!’ Babaeng nangangalakal kasama mga aso’t pusa, kinaantigan

#BalitaExclusives: ‘Patas na lumalaban!’ Babaeng nangangalakal kasama mga aso’t pusa, kinaantigan
Photo courtesy: D'Kampers (TikTok screenshot)

Nabagbag ang damdamin ng netizens sa isang viral video kung saan makikita ang isang babaeng nagkakariton at nangangalakal ng mga basura na tanging mga alagang aso at pusa lamang ang kaniyang mga kasama. 

Mapapanood sa viral TikTok reel na habang itinutulak ng mangangalakal na si Nanay Marina ang kariton niyang puno ng mga karton at sako-sakong plastik na bote sa kahabaan ng Aquilina Street sa Marikina, nakasunod sa kaniya ang anim niyang alagang aso noong Sabado, Abril 4. 

“Si Nanay, lumalaban ng patas. Hindi humihingi ng awa—kumikilos para sa mga alaga,” caption ng uploader ng video na “D’Kampers” sa kanilang reel. 

Sa isang hiwalay na panayam ng D’ Kampers sa Manila Bulletin, ibinahagi rin nilang nilapitan nila si Nanay Marina nang mapansing isang basket ng pagkain ang nahulog, na kalauna’y napag-alaman nilang may laman na mga tirang pagkain para sa mga alagang hayop at gamot para sa may sakit niyang pusa.

Saad naman ng D’Kampers sa kanilang eksklusibong panayam sa Balita, naghihintay sila ng jeep ng mga kasama niya sa Aquilina Street patungong Montalban para sa isang camping trip nang mapukaw ng mga asong tila nakaalalay kay Nanay Marina at kaniyang kariton ang kanilang atensyon. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

“Nasa may Aquilina Street po kami that time malapit sa engineering office ng Marikina nag-aantay ng jeep masasakyan papuntang Montalban para mag-camping, then we saw her na nagtutulak ng tribike (padyak) full of kalakal, and what caught our attention is her dogs, following her pace,” saad ng uploader. 

Saad pa ng D’Kampers, nang matulungan nila si Nanay Marina, naikwento sa kanila nito na 10 taon na siyang nangangalakal, at bago ito, matagal na rin daw patay ang asawa niya kaya siya na lamang ang bumuhay sa dalawa niyang mga anak. 

Ibinahagi rin ni Nanay Marina na dalawang taon pa lamang ang nakalilipas, nasunugan sila, kaya paunti-unti siyang nagpupundar muli sa pangangalakal. 

Sa isa pang hiwalay na video update ng D’Kampers noon namang Sabado, Abril 11, binalikan nila si Nanay Marina at sinamahan sa paghahatid at pagbebenta ng mga kalakal sa Liwasang Kalayaan. 

Anila, halos araw-araw naroon si Nanay Marina sa pagitan ng 9:00 AM hanggang 11:00 AM. 

Kaya nakapag-abot sila ng tulong kay Nanay Marina at ibinahagi pa nila ang nasabing videos sa social media sa layong mas marami pang makatulong at makakilala sa kaniya. 

Bilang mensahe kay Nanay Marina, ibinahagi ng D’Kampers na inspirasyon ang kaniyang kabutihan sa kabila ng kahirapan sa buhay at hiling nila para sa kaniya ang patuloy na pagiging positibo at pagkakaroon ng pag-asa sa buhay. 

“Nanay Marina, maraming salamat po. Continue to radiate positivity and kindness. Ang smile niyo po ang reminder namin na kahit gaano kahirap ang buhay, may pag-asa pa rin,” saad ng D’Kampers.