Ganito na ba kalala ang problema sa edukasyon sa Pilipinas?
Iyan ang tanong ng mga netizen matapos pagmulan ng diskusyunan, reaksiyon, at komento ang isang TikTok video ng isang Burmese content creator habang nagmumukbang siya at kumakain ng "onion boil."
Pero hindi ang pagkain ng onion boil ang pinagdedebatehan ng karamihan ng mga netizen sa comment section ng kaniyang TikTok video, na inupload niya noong Enero 5, 2026, at naka-pin post sa kaniyang account.
Ilang netizens kasi ang sumita sa kaniya at sinabing hindi naman daw "onion" ang kinakain niya kundi "sibuyas."
Bagay na pinalagan naman ng kapwa netizens dahil ang onion ay English translation para sa sibuyas.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens na nagsasabing "sibuyas" ang kinakain ng mukbanger at hindi onion.
"[Sticker] "sibuyas yan di onion"
"siboyas yan eh"
"onion gamitin mo kuya wag sibuyas"
"onion boil pero sibuyas yung kinain"
"hala sibuyas yan"
Pinag-usapan naman ito sa iba't ibang social media platforms at sinabing tila nakakalungkot daw na hindi na alam ng ibang netizen, lalo na ng kabataan, na ang English ng sibuyas ay onion.
"Didn't you guys study ba? onion and sibuyas is the same po, as you can see sa ibang mukbang malalaki yung onions nila, cause WHITE ONION yun, while yung sa kanya RED ONION so basically it's the same thing lang, pinagkaiba nila is color and size ㅤ WHITE ONION: usually wala gaanong lasa like not matapang RED ONION: usually have more matapang na taste that makes us na maiyak ng husto cause ditayo minahal nung mahal natin..chos."
"Bakit hindi n'yo alam na ang onion ay sibuyas? Jusko Lord!"
"Open the schools!"
"DepEd, ano na?"
"delete niyo na mga comment niyong pinaglalaban niyong sibuyas na hindi onion habang maaga pa."
"Ano nang nangyayari sa Pinas?"
"sarcasm ba ung comsec o sadyang 8080 na mga tao ngayon???"
Samantala, may mga netizen namang nagsabing baka "sinasadya" lang ng mga netizen na ito na magpauso ng isang trend sa social media.
Mainit na usapin sa kasalukuyan ang ilang kabataang Pilipino na tila hindi alam ang katawagan sa mga bagay-bagay, na nadiskubre sa segment ng noontime show na "It's Showtime."
Kaugnay na Balita: Nasermunan tuloy ni Vice Ganda! Laro Laro Pick player sa It's Showtime, hindi alam ang Malacañang
Kaugnay na Balita: Ilang honor students, olats sa abbreviation ng executive departments; netizens, dismayado!
Noong Disyembre 2025, napaulat din na 85% ng Grades 1 hanggang 3 learners sa bansa ay maituturing na "struggling readers," ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Kaugnay na Balita: ‘This is a national crisis!’ 85% ng Grades 1 to 3 learners sa bansa, ‘struggling readers’
ANO ANG SIBUYAS?
Ang sibuyas ay isang mahalagang sangkap sa maraming lutuing Pilipino, na kilala sa matapang nitong amoy at lasa na nagbibigay-buhay sa mga putahe.
Bukod sa gamit nito sa pagluluto, mayroon din itong mga benepisyong pangkalusugan tulad ng pagpapalakas ng resistensya. Ang salitang “sibuyas” ay nagmula sa salitang Kastila na cebolla, na dinala sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya.
Sa paglipas ng panahon, ito ay nabago sa anyong mas angkop sa bigkas at wika ng mga Pilipino, hanggang sa maging “sibuyas” na ang tawag sa ngayon.
Bahagi na nga ng kulturang Pilipino ang sibuyas. Sa katunayan, maging sa mga idyomatikong pahayag, ginamit na rin ito, kagaya na lamang sa "balat-sibuyas" na ang ibig sabihin ay maramdamin o madaling magtampo.
Kilala ring "tagapagpaiyak" ang sibuyas dahil naluluha ang karamihan sa mga naghihiwa o naggagayat nito.