Kinasuhan kahapon ng graft sa Sandiganbayan si dating La Union Rep. Thomas Dumpit dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa P66.5-milyon pork barrel nito noong 2007-2009.
Ipinaliwanag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na bukod sa paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), kinasuhan din si Dumpit ng siyam na bilang ng malversation thru falsification of public documents at anim na bilang ng malversation of public funds.
Tinukoy ni Morales ang Commission on Audit (CoA) report na nakasaad na naglaan si Dumpit ng P66.5 milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) upang pondohan ang mga proyektong katulad ng “distribution of livelihood training kits, business clinics, market development, livelihood trainings, distribution of instructional and livelihood materials, grafted seedlings, hand tractors, water pumps, manicure sets, hairdressing kits and sewing machines” upang mapakinabangan ng mga nasa ikalawang distrito ng lalawigan.
Ayon kay Morales, sa halip na gamitin ang pondo sa natukoy na mga proyekto ay napunta lang ito sa “ghost projects” at wala ring naipamahagi na training kits at wala ring isinagawang training.
Natuklasan din ng CoA na “gawa-gawa” lamang ang mga dokumento ni Dumpit na susuporta sana sa liquidation ng naturang pondo ng gobyerno.
“The supposed beneficiaries did not receive any kits and seedlings, or did not benefit from any training. Many supposed beneficiaries in the list are not even residents or registered voters in La Union,” paliwanag ng Office of the Ombudsman.
Bukod dito, nadiskubre rin ng Ombudsman na hindi napakinabangan ng mga opisyal ng pamahalaang panglalawigan ang naturang mga proyekto.
Itinanggi rin ng mga supplier na nagpalabas sila ng mga resibo at invoice sa nabanggit na liquidation report.
Kabilang sa mga implementing agency ng mga pork barrel project na ginamit ni Dumpit sa anomalya ay ang National Livelihood Development Corporation (NLDC), National Agri-Business Corporation (NABCOR) at Technological Livelihood Resource Center (TLRC).
Inendorso rin ni Dumpit sa nabanggit na proyekto ang mga pekeng foundation na kinabibilangan ng Aaron Foundation of the Philippines, Inc. (AFPI), Kabuhayan at Kalusugan Alay sa Masa Foundation (KKMFI). at Kasangga sa Magandang Bukas Foundation, Inc. (KMBFI). (ROMMEL P. TABBAD)