Walang nilabag na batas si Pangulong Aquino nang italaga niya ang dalawang associates justice sa Sandiganbayan sa unang bahagi ng taong ito, ayon sa Malacañang.

Iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr. na ang pagtatalaga sa mga anti-graft justice na sina Geraldine Faith Econg at Michael Frederick Musngi ay naaayon sa batas, taliwas sa alegasyon ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ilegal ito.

“From the onset of this administration, President Aquino has ensured that all his actions are compliant with the 1987 Constitution and all of the laws of the land,” sinabi ni Coloma nitong Martes. “Although we have yet to see the reported petition of the Integrated Bar of the Philippines questioning the appointment to the Sandiganbayan of two justices, we wish to emphasize that the appointments complied with the Constitution and existing laws, as well as the requirements of the Judicial and Bar Council (JBC).”

Sinabi pa ni Coloma na nanumpa sina Econg at Musngi sa harap ng mga mahistrado ng Korte Suprema, kabilang si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na pinuno ng JBC.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa isang petisyon, hiniling ng IBP sa Korte Suprema na pawalang-bisa ang pagtatalaga ng Pangulo kina Econg at Musngi dahil nilabag umano nito ang Konstitusyon sa hindi pag-a-appoint ng sinuman mula sa shortlist na ibinigay ng JBC; sa anim na magkakahiwalay na shortlist na ibinigay ng JBC para pagpilian ng isa bawat isa, pumili ang Pangulo ng dalawa mula sa iisang shortlist. (Beth Camia at Genalyn Kabiling)