Patay ang dalawang lalaki makaraang madamay sa away ng dalawang suspek at isang kapitbahay ng mga ito sa Paco, Maynila, nitong Huwebes ng gabi.

Dead on arrival sa Philippine General Hospital (PGH) sina Daniel Lazaro, 28, at Arnold Bernal, 45, overseas Filipino worker (OFW), kapwa taga-Barrio Sta. Maria, Paco.

Kinilala naman ang mga nakatakas na suspek sa mga alyas na “Embet”, miyembro ng Bahala na Gang; at “Nasi”, na kilala rin sa tawag na “Long Hair”.

Batay sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, dakong 7:45 ng gabi nang mangyari ang insidente sa eskinita ng Barrio La Purisima sa Paco.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Nauna rito, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at isang kapitbahay nito na si Gil Reyes, kaibigan ni Lazaro, na binisita ng huli.

Tinangka umano ni Lazaro na umawat sa away ngunit nang magkagulo ay binaril siya ni Embet habang nakapagkubli naman si Reyes.

Minalas namang tinamaan ng ligaw na bala at namatay si Bernal, na noon ay nakatayo lang sa isang eskinita malapit sa pinangyarihan ng gulo.

Nabatid na nagbabakasyon lamang si Bernal, na matagal nang OFW sa Japan, para asikasuhin at ipagamot ang inang may sakit. (Mary Ann Santiago)