Nilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon na hindi labag sa ballot secrecy law ang pagpakuha ng litrato ng sikat na love team nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla o KathNiel sa kanilang balota.
Inulan ng batikos ng netizens ang nag-viral na mga larawan ng first time voters na sina Bernardo at Padilla na may hawak na balota sa loob ng polling precinct.
Sa isang pulong balitaan sa PICC kahapon, ipinaliwanag ni Guanzon na hindi lumabag sa “secrecy of the ballot” ang dalawa lalo na at hindi naman mismong sina Bernardo at Padilla ang kumuha ng kanilang larawan. Wala ring “shade” ang mga balotang kinunan ng litrato.
Ipinaliwanag ng commissioner na hindi pinapayagan ang mga botante na gumamit o magdala ng gadget sa loob ng polling precinct, kaya hindi rin malayo na media ang kumuha ng larawan ng dalawa. (Mary Ann Santiago)