ZAMBOANGA CITY – Siyam na katao na ang namatay at 1,539 ang naapektuhan ng acute gastroenteritis (AGE) outbreak sa Zamboanga City simula noong Marso 28, nang magsimula ang epidemya sa siyudad.
Sa siyam na namatay, lima ang babae at sila ay nasa dalawang buwan hanggang 50 anyos. Anim sa mga nasawi ay limang taong gulang pababa at may sakit din na pneumonia, malnutrition, meningitis, at myocardial infarction. Pito ang binawian ng buhay sa Zamboanga City Medical Center.
Nilinaw naman ng Department of Health (DoH) na ang AGE na nanalasa sa Zamboanga City at naging epidemya ay dulot ng “rotavirus and not norovirus.”
Ayon kay Dr. Ma. Agnes Mabolo, pinuno ng DoH Health Support Unit, 65 porsiyento ng 22 samples na ipinadala sa Research Institute for Topical Medicine (RITM) para sa laboratory test ay positibo sa rotavirus.
Sinabi pa ni Mabolo na nagpadala ang DoH ng epidemiologist sa lungsod upang kumalap ng water samples sa mga balon, banga, gripo, water refilling station, at iba pang pinagmumulan ng tubig, at natuklasang kontaminado ang mga ito.
Aniya, nagpositibo ang lahat ng water samples sa fecal materials na nagbunsod ng diarrhea.
Nilinaw pa ni Mabolo na ang rotavirus ay sanhi ng fecal materials mula sa tao o sa hayop.
“With the interplay of these pathogens, the focus of intervention and preventive measures still rely on the hygiene and sanitation practice since it is difficult to conclude on the sole cause of the outbreak,” sabi naman ni City Health Officer Dr. Rodel Agbulos. (NONOY E. LACSON)