JESSY AT JC copy

MAPAPANOOD simula bukas ang “Just Got Laki” episode ng Wansapanataym na pagbibidahan nina JC de Vera at Jessy Mendiola sa ABS-CBN handog ng Dreamscape Entertainment mula sa panulat ni Noreen Capili at sa direksiyon nina Allan Chanliongco at Jojo Saguin.

Makakasama nina JC at Jessy sina Angel Aquino, Albie Casiño, Nico Antonio, at Nicco Manalo.

Ayon kina Jessy at JC sa kanilang press launch sa Clean Plate Restaurant by Twist sa Trinoma, ang episode nila ay tungkol sa batang lalaki na nagmamadaling lumaki kaya nang biglang magbinata ay dose anyos lang ang isip.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

“Character based ito, katawan ng isang matandang tao, pero isip bata,” sabi ni JC.

Kasaysayan ni Macky (Raikko Mateo) na naiinggit sa kalayaan ng kanyang kuya dahil pinaghihigpitan siya ng kanyang ina sa pagiging menor de edad. Sa tulong ng isang magic candy, matutupad ang kahilingan niya na maging binata at magawa ang anumang naisin nang walang pahintulot ng kanyang ina.

Bilang binatang Macky (JC de Vera), matatamasa niya ang inaasam na kalayaan at maglalakas-loob na magpakilala kay Ysabel (Jessy Mendiola) na matagal na niyang hinahangaan.

Pero hindi sapat para sa kanya ang isang araw na pagiging binata kaya aabusuhin niya ang pagkain ng magic candy na magiging dahilan naman para hindi na siya makabalik sa pagiging bata.

Kung hindi kami nagkakamali ay hango ito sa Big nina Tom Hanks at Elizabeth Perkins na ipinalabas noong 1988.

Maganda ang fantasy-drama movie na ito, humiling sa isang fortune teller machine ang karakter ni Tom Hanks na lumaki kaagad dahil hindi siya makasakay sa carnival rides na gusto niyang sakyan.

Samantala, inamin nina JC at Jessy na pagkatapos ng teleseryeng You’re My Home ay nagsabi sila sa isa’t isa na sana ay magkasama ulit sila sa panibagong project.

“Komportable po kami kasi sa isa’t isa,” sabi ni Jessy, “sayang naman po kung hindi makikita ng ibang tao kung ano pa ‘yung kayang gawin naming magkasama. Na-try na namin ang drama, so inisip namin kung romantic comedy naman kaya, so madami po talaga kaming napag-usapan at isa na nga po ‘yung sa music video niya.

“Masarap talaga sa pakiramdam na mayroon kang katrabaho na komportable ka,” sabi naman ni JC. “Walang issues, ‘pag nasa work lang kayo walang ibang iniisip na iba, so alam mo ‘yun. Any projects siguro with Jessy will do.”

Unang Wansapanataym ito ni JC at pangatlo naman ni Jessy. Excited ang dalawa na aabutin ng 13 weeks ang “Just Got Laki.”

Dahil madalas makitang magkasama lalo na sa Banana Sundae, napagkakamalan na may relasyon na sila na ikinatawa lang ng dalawa.

“Uy, luma-love team tayo!” sabi ni Jessy. “Hindi namin expected na marami kaming followings, maraming fans ‘tapos all ages pa, may mga bata, matanda, teens, daddies, mommies, ganu’n. Siguro kasi dahil sa You’re My Home kaya ganu’n.

“’Tapos matagal na kaming hindi nakikita sa ganu’n kaya kinakabahan kami kung magugustuhan ng mga tao itong (‘Just Got Laki’). So nandoon ‘yung gustung-gusto nating pagandahin. So we’re doing this for the show not only for the team-up.”

Ano ang katangiang nagugustuhan nila sa isa’t isa?

“Slowly, nakikilala namin ang isa’t isa. Nagkukuwentuhan kami lagi. Hindi ko pa siya gaanong kilala, ‘yung lalim makikita ko na lang siguro sa journey ng work namin,” sagot ni JC.

“Workaholic po siya,” sabi naman ni Jessy, “so araw-araw kaming nagkikita kasi pareho naming tinanggap ‘yung mga offer sa amin.”

Pareho silang single, kaya may posibilidad na magkaligawan.

“Hindi natin alam, parang feeling ko, matagal pa ‘yung pagsasama namin,” hirit ni JC, “nagpi-pray pa kami ng marami-raming projects pa.”

“Itong Wansapanataym, parang getaway lang para sa ma-explore pa ang partnership namin, maybe project next ibang genre naman, Ngayon talaga, wala, eh, masaya lang talaga kami at pinag-usapan namin ay work,” katwiran ni JC.

“At saka kung hinaluan mo ng lalampas pa do’n hindi na magiging maganda ‘pag nagkaroon ng pag-aaway,” katwiran ng aktres.

May respeto sila sa isa’t isa lalo na kapag pareho silang wala sa mood, dedma lang sila.

Paano kung isang araw biglang manligaw si JC kay Jessy?

“Ay, magugulat ako!” tumawang sagot ng aktres.

Boyfriend material ba si JC?

“Oo naman, si JC is a boyfriend material, even husband material din,” nagkahiyawan tuloy ang lahat ng nakikinig, “totoo nga, I think kaya ko nasabi ‘yun kasi minsan may mga days na super-down siya at nilalapitan ko para tanungin ko, sabi niya, ‘may problema kasi kami sa Burgery ganyan-ganyan.’

“Alam mo ‘yung responsibility, alam niya kung paano hatiin kung ano ‘yung dito (showbiz) at ‘yung diyan (business side). Kung baga alam niya ang multi-tasking and that’s very important for a boyfriend or a husband.

“Dapat naman talaga sa girls ang maging boyfriend or husband ay responsible person. Imagine kung may pamilya na siya at may trabaho, nagagawa niyang hatiin, it’s not a easy task,” papuri ni Jessy sa binata.

Girlfriend material ba si Jessy para kay JC?

“Ang napansin ko kay Jessy is she knows what she wants, alam niya kung saan siya papunta, clear sa kanya kung ano ‘yung gusto niyang ma-achieve in 5 to 10 years, masaya siya. Nag-o-observe ako sa kanya, pinapanood ko lang siya at siyempre mas nakikilalala ko na siya ng deeper. Kaya siguro kami komportable kasi alam namin kung paano tantiyahin ang isa’t isa,” kuwento ng aktor. (Reggee Bonoan)