Draymond Green

Warriors, hataw sa Game 1; Heat vs Raptors, sa Eastern Conference second round playoff.

OAKLAND, California (AP) — Wala man ang pinakamahusay na player sa bench, sapat ang lakas at gilas ng Golden State Warriors para ipagpatuloy ang laban patungo sa pedestal.

Muling umarangkada si Klay Thompson sa natipang 37 puntos, habang tumipa si Draymond Green ng 23 puntos, 13 rebound at 11 assist – ikalawang triple-double sa postseason – para sandigan ang Warriors sa 118-106 panalo kontra Portland Trail Blazers sa Game 1 ng Western Conference best-of-seven semi-finals Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Habang wala si Curry na nagpapagaling ng pinsala sa tuhod, ratsada sa opensa ng Warriors si Thompson na kumana ng pitong three-pointer upang tanghaling kauna-unahang player sa kasaysayan ng NBA na pumuntos ng pito o higit pang dami ng three-pointer sa tatlong sunod na laro sa playoff series.

Gaganapin ang Game Two sa Martes sa Oracle Arena.

Hitik sa aksiyon ang laban at humantong sa pagkakatalsik sa laro ang balyahan nina Golden State reserve Anderson Varejao at Portland’s Gerald Henderson sa krusyal na minuto ng third period matapos magtamo ng tig-dalawang technical foul.

Nag-ambag si Shaun Livingstone, pumalit kay Curry bilang starting guard, ng 12 puntos at anim na assist.

Nanguna sa Portland si Damian Lillard na may 30 puntos, ngunit malamya ang naging simula ng pamosong guard nang magminstis ng 11 sa unang 13 tira.

Wala pang katiyakan kung kailan makababalik si Curry na sumasailalim sa matinding rehabilitasyon para mapadali ang paggaling ng na-injure na tuhod.

RAPTORS 89, PACERS 84

Sa Toronto, ipinagdiwang ng mga tagahanga sa Air Canada Center ang tagumpay ng Raptors sa kauna-unahang Game 7 sa kasaysayan ng prangkisa matapos pabagsakin ang Indiana Pacers.

Hataw si DeMar DeRozan sa naiskor na 30 puntos, habang kumubra si Jonas Valanciunas ng 15 rebound at 10 puntos para selyuhan ang panalo at makausad sa Eastern Conference semi-finals kontra sa Miami Heat.

Kumana si rookie Norman Powell ng 13 puntos, habang tumipa sina Kyle Lowry at Patrick Patterson ng tig-11 puntos.

Naitala ng Raptors ang kauna-unahang panalo sa postseason series mula nang makuha ang panalo sa Game 5 kontra New York Knicks noong 2001.

Nagsalansan si Paul George ng 26 puntos at 12 rebound para sa Pacers, habang kumana si George Hill ng 19 puntos at may 15 puntos si Monta Ellis.

HEAT 106, HORNETS 73

Sa Miami, nakumpleto ng Heat ang matikas na pagbangon sa tiyak na kapahamakan nang gapiin ang matikas na Charlotte Hornets sa sudden death Game 7.

Ratsada si Goran Dragic sa naiskor na 25 puntos sa kanyang kauna-unahang Game Seven series, habang umiskor si Gerald Green ng 16 puntos para tuldukan ang serye sa 4-3.

Makakaharap nila ang Toronto Raptors sa Game 1 ng Eastern Conference semi-finals sa Martes (Miyerkules sa Manila).

Nagwagi rin ang Raptors kontra Pacers sa Game 7, 89-84.

“Just great competition,” pahayag ni Heat coach Erik Spoelstra.

“Our hats go off to them. They made us better. ... I think our basketball team needed to go through that, to be pushed and find a different level which we showed in the last two games,” aniya.

Kumana si Luol Deng ng 15 puntos, habang nalimitahan lamang si Dwynne Wade, bida sa krusyal na panalo ng Heat sa Game 6, sa 12 puntos, at kumana si Hassan Whiteside ng 10 puntos, 12-rebound at limang block.