Miami at Indiana, nakahirit ng Game 7; Portland, umusad sa semis kontra GS.
CHARLOTTE, N.C (AP) – Sa krusyal na sandali, nakasandal ang buong koponan sa pinakamahusay nilang player. At hindi binigo ni Dwyane Wade ang Heat.
Hataw ang one-time MVP sa 23 na puntos, kabilang ang 10 sa krusyal na sandal ng final period para sandigan ang Heat sa 97-90 panalo kontra Charlotte Hornets at maipuwersa ang Eastern Conference first round playoff sa Game 7.
Naisalpak ni Wade ang dalawang three-pointer sa huling tatlong minuto ng laro nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila) – kauna-unahang puntos sa long range mula noong 2013 – para maitabla ang serye sa 3-3.
Nag-ambag si Luol Deng ng 21 puntos at tumipa si Goran Dragic ng 14 puntos at pitong rebound sa Heat, host sa Game 7 sa Linggo (Lunes sa Manila).
Naisalba ng Heat ang laro sa kabilang ng matikas na playoff career-high 37 puntos ni Kemba Walker. Kumubra naman si Al Jefferson ng 18 puntos at siyam na rebound at tumipa si Cody Zeller ng 12 puntos.
PACERS 101, RAPTORS 83
Sa Indianapolis, naipuwersa ng Pacers ang first round playoff series sa Game 7 nang pabagsakin ang Toronto Raptors.
Host ang Toronto sa winner-take-all sa Linggo (Lunes sa Manila).
Bumira ang Indiana ng 18 sunod na puntos sa second half para madomina ang second-seeded Raptors tungo sa magaan na panalo.
Nanguna sa Raptors sina DeMarre Carroll at Cory Joseph na may tig-15 puntos. Kinalawang naman ang opensa nina Kyle Lowry (4 for 14) at DeMar DeRozan (3 for 13).
BLAZERS 106, CLIPPERS 103
Sa Portland, Oregon, siniguro ng Blazers na hindi na sila babalik sa Los Angeles nang pabagsakin ang Clippers para tapusin ang kanilang Western Conference first round playoff sa 4-2.
Hataw si Damian Lillard sa natipang 28 puntos para pangunahan ang Portland Trail Blazers sa pag-usad sa semi-final kung saan naghihintay sa kanila ang defending champion Golden State Warriors.
Host ang Warriors sa Game 1 sa Linggo (Lunes sa Manila).
Nag-ambag si CJ McCollum ng 20 puntos para Blazers, tinanghal na unang koponan na nakabangon mula sa 0-2 pagkakadapa para manalo sa best-of-seven series mula nang magapi ng Memphis ang Clippers sa first round noong 2013.
Nanguna sa Clippers si Jamal Crawford na may 32 puntos, habang tumipa si Austin Rivers ng 21 puntos at walong assist, sa kabila ng pagkakaroon ng 11 tahi sa ibabaw ng kanang kilay na pumutok matapos mauntog sa kaagahan ng laro.
Nakakuha ng pabor ang Blazers sa pagkaka-sideline nina Clippers star Chris Paul (broken hand) at Blake Griffin (hamstring).