torres copy

Inirekomenda ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) bilang ‘universality entry’ si national women’s long jump record holder Marestella Torres para sa gaganaping 2016 Rio De Janeiro Olympics.

Sinabi ni PATAFA President Philip Ella Juico, inirekomenda niya ang 33-anyos na si Torres bilang pagbibigay ng tiwala sa kakayahan nitong makapaglaro laban sa pinakamahuhusay na atleta sa mundo.

Ikatlong pagkakataon ni Torres na makakapaglaro sa quadrennial meet matapos makasama noong 2008 Beijing at 2012 London Olympics.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa kasalukuyan, tanging si Fil-Am Eric Cray ang nakalusot na Pinoy sa qualifying meet sa hurdles event. Wala pang kumpirmasyon ang paglahok ni Cray mula sa International Athletics Federation, ngunit hindi ito binigyan pansin ni Juico.

Aniya, may pagkakataon na huli nang ipinadadala ang kumpirmasyon para sa mga atletang lalahok sa Olympics.

Una nang sinabi ni Team Philippines Rio Olympics chef de mission at Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice-president Joey Romasanta na base sa kanilang hawak na dokumento, tanging ang table tennis player pa lamang na si Ian Lariba ang kuwalipikado sa kada apat na taong torneo na gaganapin sa Agosto 5 hanggang 21.

“Sumulat pa kami sa internasyonal na pederasyon ng ilan nating atleta dahil hindi maliwanag sa atin kung ano ang ibig sabihan ng termino nilang quota places, pinapa-clarify natin kung pasok na ba o hihintayin pa na matapos ang lahat ng qualifying event bago malaman kung talagang qualify na sila,” sabi ni Romasanta.

Maliban kay Lariba, ang iba pang pambansang atleta na dapat mapadalhan ng kumpirmasyon sina boxers Rogen Ladon at Charly Suarez, gayundin si Kirstie Elaine Alora ng taekwondo.

Nakatakda naman ilabas ng IAAF ang mga pangalan ng bawat kalahok kada event sa sport na athletics alinman sa araw ng Hulyo 12 hanggang 14 kung saan umaasa ang PATAFA na makakasama ang pangalan ni Cray.

Matatandaang pinakaunang naiulat ang pagkuwalipika ni Cray bilang unang Pilipino nakapasok sa Olimpiada matapos itala ang 49.12 segundo sa pagwawagi nito sa Cayman Invitational noong Mayo 2015 sa Georgetown, Cayman Islands.

(Angie Oredo)