Klay Thompson, Dwight Howard

Warriors, dinurog ang Rockets; Hornets at Blazers, arya sa serye.

OAKLAND, California (AP) — Abot-tainga ang ngiti ni Golden State coach Steve Kerr. Nagawang makausad ng defending champion Warriors sa semi-finals ng Western Conference sa dominanteng pamamaraan – sa sitwasyon na wala ang pangunahing Warrior na si Stephen Curry.

Mistulang cheer leader ang three-point king na si Curry habang pinanonood ang Warriors sa pinakamatikas na opensa sa kasalukuyan tungo sa 114-81 pasabog sa Houston Rockets nitong Miyerkules ng gabi (Huwebes sa Manila) para tuldukan ang kanilang first round playoff sa 4-1.

‘Pasko para sa lahat’ PDLs, may Christmas wishlist ngayong Pasko!

Nanguna si Klay Thompson sa 27 na puntos, tampok ang pitong three-pointer, habang nag-ambag si Draymond Green ng 15 puntos, siyam na rebound at walong assist.

Tinanghal si Thompson na kauna-unahang player sa kasaysayan ng NBA na nakagawa ng pito o higit pang three-pointer sa magkasunod na laro sa playoff, habang umiskor si Shaun Livingstone ng 16 puntos sa ikatlong pagkakataon nang maglaro bilang starter kapalit ni Curry.

Haharapin ng Warriors sa susunod na round ang magwawagi sa duwelo ng Los Angeles Clippers at Portland Trail Blazers. Tangan ng Portland ang 3-2 bentahe.

Hindi nakalaro si Curry at inaasahang magpapahinga ito hanggang dalawang linggo matapos magtamo ng injury sa kanang tuhod sa kaagahan ng Game 4.

Nanguna si James Harden sa Houston sa nakubrang 35 puntos, ngunit wala siyang naging katuwang laban sa magilas na Warriors.

BLAZERS 108, CLIPPERS 98

Sa Los Angeles, hataw sin CJ McCollum sa 27 na puntos, habang kumana si Damian Lillard ng 22 puntos, kabilang ang 16 sa final period para sandigan ang Portland laban sa kulang sa player na Clippers.

Tangan ng Blazers ang 3-2 abante at inaasahang tatapusin ang kanilang first round playoff series sa Biyernes (Sabado sa Manila) sa Portland para sa Game 6.

Napilay ang opensa ng Clippers matapos ma-injured ang dalawang pangunahing player na sina Chris Paul (baling buto sa kamay) at Blake Griffin (kanang tuhod) sa Game 4 kung saan naagaw ng Blazer ang panalo.

Nag-ambag si Maurice Harkless ng 19 na puntos at 10 rebound, habang kumubra si Mason Plumlee ng 10 puntos at 15 board para sa Portland.

Nanguna si J.J. Redick sa Clippers sa natipang 19 na puntos, habang kumubra sina Jamal Crawford, tinanghal na ‘Sixth Man of the Year’, at Jeff Green ng tig-17 puntos. Nag-ambag si DeAndre Jordan ng 16 na puntos at 17 rebound.

HORNETS 90, HEAT 88

Sa Miami, naisalpak ni Courtney Lee ang krusyal three-pointer sa huling 25.1 segundo para sagipin ang Charlotte Hornets sa pagtupok ng Heat sa Game 5 ng kanilang best-of-seven Eastern Conference first round playoff.

Natusok ng Hornets ang ikatlong sunod na panalo para agawin ang bentahe sa 3-2. Gaganapin ang Game 6 sa Biyernes (Sabado sa Manila) kung saan tatangkain ng Hornets na maging kauna-unahang koponan na nagwagi sa best-of-seven series na naghahabol sa 0-2.

Hindi tinawagan ng foul ang ratsada ni Dwyane Wade may 2.6 segundo at hindi rin pumito ang referee nang kusang i-foul si Cody Zeller para mapuwersa itong tumira sa free throw tungo sa panalo.

Kakailangan ng Heat na itaas ang level ng kanilang karanasan upang maipuwersa ang Game 7.

Nanguna sa Hornets si Marvin Williams, habang tumipa sina Al Jefferson at Kemba Walker ng tig-14 puntos.

Hataw si Wade sa Heat na may 25 puntos, habang kumana si Luol Deng ng 15 puntos at may nagawa si Joe Johnson n 13 puntos.