SINIMULAN na kahapon ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpapadala sa 56.7 milyong balota para sa eleksiyon sa Mayo 9 na sisimulan sa pinakamalalayong lalawigan. Ang pag-iimprenta ng mga balota ay nakumpleto noong Abril 8 at ang pagberipika sa bawat balota, upang matiyak na hindi ito iluluwa ng makina, ay nakumpleto nitong Biyernes.

Kasamang ipinadala ng mga balota ang 92,000 Vote Counting Machine (VCM) para sa 92,000 voting center sa buong bansa.

Ang mga VCM ay iba sa mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na ginamit sa huling dalawang halalan. Dapat na handa ang mga Board of Election of Inspector sa bawat presinto na paganahin ang mga bagong VCM, bukod pa sa sila rin ang mangangasiwa sa karaniwan nang proseso ng pagboto, o ang pag-check sa mga botante sa master list at paglalagay ng indelible ink sa daliri ng mga ito matapos bumoto.

Ang nalalabing dalawang linggo bago ang eleksiyon sa Mayo 9 ay magbibigay sa mga election inspector ng sapat na panahon upang maging pamilyar sa mga bagong makina na may pambihirang features na wala sa PCOS. Ang posibleng pinakamahalagang feature nito, para sa marami, ay ang pag-iimprenta nito ng kopya ng mga pangalan ng inihalal ng botante na pangulo, hanggang sa huling lokal na kandidato. Ito ang magsisilbing katiyakan sa bawat botante na nabasa nang wasto ng makina ang kanyang balota. At kung may pinaplanong pandaraya, maibubunyag ito ng feature na ito.

Pagkatapos na makaboto ang lahat at nakumpleto at naipaskil na ang precinct count, ang susunod na hakbangin ay ang pagpapadala ng mga resulta sa municipal voting center, hanggang sa national voting center. Para sa prosesong ito, nagsagawa rin ang Comelec ng transmission tests nitong Sabado.

Kasing halaga rin ng lahat ng pagtitiyak sa mga kawani, kagamitan, at proseo ang pangangailangang ihanda ang mga botante mismo. Kapag nakuha na nila ang kani-kanilang balota, dapat na maayos ng mga itong sagutan ang maliliit na bilog na katapat ng mga pangalan ng mga kandidatong napupusuan. Mahalagang iwasang lagyan ng anumang marka ang balota dahil maaaring maging dahilan ito upang hindi tanggapin ng makina ang balota. Dapat din nilang maingat na suriin ang naimprentang kopya ng kanilang mga boto. Ang lahat ng ito ay gagawin sa loob lamang ng ilang segundo na inilaan sa bawat botante. Isang mahalagang bagay ang oras sa halalang ito, dahil sa karagdagang segundo na inilaan sa pagbusisi sa voter’s receipt. Ito ang dahilan kaya pinalawig ng 11 oras ang botohan—simula 6:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Nagsagawa na ng mga demonstration ang Comelec at Smartmatic sa mga bagong VCM sa iba’t ibang panig ng bansa, sa harap ng sari-saring organisasyon at mga forum. Dapat na gamitin ang lahat ng paraan, kabilang ang pagsasahimpapawid ng mga demonstrasyon o pagguhit ng mga anunsiyo sa pahayagan, upang maging handa ang pinakamahalagang tao sa halalan—ang botante—sa Mayo 9.