Ni NORA CALDERON

Tito Sotto at Alden KUNG gusto lamang ng host ng Eat Bulaga at senatoriable na si Tito Sotto na huwag nang mangampanya ay puwede dahil nakatitiyak na siya ng panalo sa May 9 national elections, sa suporta pa lamang nina Alden Richards at Maine Mendoza at ng mga fans nila, ang AlDub Nation na sumusubaybay sa kalyeserye araw-araw. 

Natatandaan nga namin noong huling araw ni Tito Sen sa noontime show, dahil simula na ng kampanya, mahigpit na yumakap sina Alden at Maine sa kanya at ang fans sa loob ng studio ay nagsabing “we love you, Tito Sen.” 

Pero hindi raw puwede, kailangan pa rin niyang mangampanya, sa sariling sikap niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Ibinawal namin sa TAPE, Inc. at Eat Bulaga na mag-endorso ng mga kandidato sina Alden at Maine,” paliwanag ni Tito Sen na kabilang sa team na Galing at Puso nina Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero.  “Ibinawal namin kasi napi-pressure ang dalawa.  Ang daming offers, pero gusto namin dabarkads namin ang buong Pilipinas, kaya walang kampihan, pagdating kina Alden at Maine.  Ayaw namin silang mag-endorse dahil magagalit ang mga kalaban ng ini-endorse nila o maapektuhan sila.  Gusto namin, mahal ng lahat sina Alden at Maine.  Ayaw naming madamay sila sa gulo ng pulitika.

“Touched nga ako kay Alden, gusto niyang matulungan ako kahit sa anong paraan.  Marami kaming pictures na magkasama, sabi niya sa akin, ‘Tito Sen, naniniwala ako sa iyo, i-post mo nang i-post ang mga pictures natin.’  Pero hindi ko ginawa, nahihiya ako.  Kahit hanggang sa ngayon, sinasabi sa akin iyon ni Alden, pero nahihiya ako sa kanya.  Iba rin kasi ang pananaw ko sa eleksiyon, isang araw lang iyan, kaya huwag kang gagawa ng masama. Pagkatapos ng eleksiyon, magkikita-kita tayo muli.  So kung lumantad si Alden o si Maine, pagkatapos iyong kinampihan nila hindi naman nanalo, paano na?

“Naniniwala pa rin ako na kung kandidato ka, i-build-up mo na lamang ang sarili mo, huwag ka nang manira.  Ikuwento mo na lamang kung bakit magaling ka, kung ano na ang iyong nagawa at kung ano pa ang iyong magagawa kapag nanalo ka.  Tulad ng sabi ko, pagkatapos ng eleksiyon, tayu-tayo pa rin ang magkikita-kita.”