Warriors, tumipa ng NBA playoff record 21 three-pointer; Spurs at Cavaliers, nagwalis; Celtics, tumabla sa Hawks.
HOUSTON (AP) — Maiksing oras lamang ang inilaro ni Stephen Curry, ngunit sapat na ang kanyang presensiya para buhayin at paalabin ang damdaming palaban ng Golden State Warriors.
Sa pagbabalik ng premyadong shooting guard matapos ang dalawang larong pagliban bunsod ng injury sa paa, balik sa dominanteng katauhan ang defending champion para maitarak ang NBA playoff record 21 three-pointer tungo sa 121-94 panalo sa Houston Rockets, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Tangan ng Golden State ang 3-1 bentahe sa kanilang best-of-seven series at isang panalo tungo sa second round ng Western Conference playoff.
Subalit, kailangang tapusin ng Warriors ang Rockets sa Game 5 sa Miyerkules (Huwebes sa Manila) sa Oracle Arena na wala ang kanilang premyadong shooting guard.
Nagtamo ng pinsala sa kanang tuhod ang reigning MVP nang madulas sa pagtatapos ng second period at hindi na ibinalik ni coach Steve Kerr sa second half.
Sa post-game media conference, sinabi ni Kerr na isasalang sa MRI si Curry upang matiyak na walang maselang injury ang NBA star.
Nanguna sa Warriors si Klay Thompson sa naiskor na 23 puntos, tampok ang pitong 3-pointer, habang umiskor si Andre Iguodala ng season-high na 22 puntos at may naiambag si Dreymon Green na 18 puntos. Umiskor lamang si Curry ng anim na puntos, kabilang ang isang three-pointer bago ipinahinga.
Sa matikas na shooting, naitala ng Warriors ang 41 puntos sa third period at hinila ang bentahe sa double digits.
Nabura ng Warriors ang dating record sa 3-pointer nang maisalpak ni Brandon Rush ang huling tirada sa rainbow area may dalawa’t kalahating minuto ang nalalabi sa third period.
Hataw si Dwight Howard sa Houston na may 19 puntos at 15 rebound, habang kumana si James Harden ng 18 puntos, 10 assist at pitong steal.
CAVS 100, PISTONS 98
Sa Auburn Hills, Michigan, naisalba ng Cleveland Cavaliers ang matikas na ratsada ng Detroit Pistons sa Game 4 para makumpleto ang ‘sweep’ sa kanilang first round Eastern Conference playoff.
Hataw si Kyrie Irving sa naiskor na 31 puntos, kabilang ang 20 sa second half, habang kumubra si LeBron James sa naiskor na 22 puntos.
Makakaharap ng Cavs sa second round ang mananalo sa duwelo ng Atlanta Hawks at Boston Celtics.
SPURS 116, GRIZZLIES 95
Sa Memphis, Tennessee, kinumpleto ng San Antonio Spurs ang dominasyon sa Grizzlies para maitarak ang 4-0 panalo sa kanilang first round playoff.
Ratsada si Kawhi Leonard sa natipang 21 puntos sa Spurs para tuluyang walisin ang karibal sa kanilang best-of-seven first-round series.
Naitala ng Spurs ang ikasiyam na ‘sweep’ sa post season series sa kasaysayan ng prangkisa at ikatlong pagkakataon laban sa Grizzlies na kanila ring winalis noong 2004 first round at 2013 Western Conference finals.
Hihintayin ng Spurs ang mananalo sa laban ng Oklahoma City at Dallas, na hawak ng Thunder ang 3-1 bentahe.
CELTICS 104, HAWKS 95
Sa Boston, tinumbasan ng Celtics ang scoring run ng Atlanta Hawks sa final period para makaalpas sa dikitang iskor tungo sa panalo para maitabla ang serye sa 2-2.
Nagsalansan si Paul Millsap ng 45 puntos sa Hawks — career playoff high at all-time best — gayundin ang 13 rebound.
Nag-ambag si Macus Smart sa nahugot na 20 puntos, habang kumana si Jonas Jerebko ng 16 puntos at 10 rebound.
Gaganapin ang Game Five sa Martes (Miyerkules sa Manila).