KUNG meron mang kahabag-habag ang kalagayan, iyon ay ang 71 magsasakang taga-Kidapawan. Nagprotesta sila at humingi ng bigas dahil sa walang maisaing at nangagugutom, pero hinarang sila ng mga pulis. Nang hindi mapigil, nagkagulo na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawang magsasaka at masaktan ang marami pang iba.
Nang matapos ang kaguluhan, inaresto ang mga magsasaka at idinitine dahil sa isinampang kaso ng mga pulis na direct assault. Dalawang magsasaka ang namatay at maraming nasugatan. Pero sila pa ang kinasuhan.
Ayon sa mga magsasaka, sila ay nagugutom kaya humihingi sila ng bigas na maisasaing para magkalaman ang kanilang tiyan at ng kanilang mga anak, ngunit ang ibinigay sa kanila ay bala.
Ganito na ba talaga ang buhay ng mga maralitang magsasaka?
Ang mga nakakulong na magsasaka ay pinagpipiyansa ngayon ng P12,000 bawat isa. Nakakulong at pinagpipiyansa? Anong laking katarantaduhan naman yata ito. Kaya nga nagprotesta ay walang makain at nagsisihingi ng bigas, tapos ngayon ay pinagpapiyansa? San kukuha ng pambayad ang mga ito? ‘Tulad ba sila ni Napoles?
Ang batas ba natin ay may kinikilingan? Wala na bang tinitimbang na katwiran? Ang mga opisyal na nang-aapi ay hindi binibigyan ng kasalanan, ang mahihirap na nanlilimos ng kaunting makakain ay pinarurusahan?
Sinabi ni DA Sec. Proceso Alcala na matagal na nilang pinaghandaan ang pagsapit ng El Niño. Ano kayang klaseng paghahanda? Bakit dumadaing ang mga magsasaka na nangagugutom dahil sa epekto ng El Niño sa kanilang mga sakahan?
Mas mabuti pa sa kanila ang mga pulis, gobernador at mga opisyal ng North Cotabato at nakapaghanda. Naihanda ang kapulisan na ihanda ang kanilang mga baril. Nakapaghanda ng maraming bala na ipuputok sa mga humihingi ng kaunting tulong.
Mabubulok sa kulungan ang mga magsasakang iyon sa Kidapawan. Hindi sila makapagbabayad ng hinihinging piyansa sapagkat tiyak na ni singkong duling ay wala sila.
Walang naririnig tungkol dito ang mga kandidato, partikular kay Mar Roxas na tagapagsulong ng “Tuwid na Daan”.