SA mga environmentalist o mga tagapangalaga sa kapaligiran at kalikasan, ang ika-18 hanggang ika-22 ng Abril ay natatangi sapagkat ipinagdiriwang ang International Earth Day.
At sa pamamagitan ng mga programa ng iba’t ibang samahan na nagmamalasakit sa kalikasan at sa ating kapaligiran at maging ng pamahalaan, kahit paano ay nabibigyan ng pansin at napasisigla ang mga gawain upang pangalagaan ang ating Inang Kalikasan. Ngayong 2016 ay 46 na taon nang ipinagdiriwang ang Earth Day. Ang Pilipinas ay kabilang sa mahigit 150 bansa na nagpapahalaga sa pagdiriwang kahit may mga kababayan tayo na patuloy sa pagiging berdugo sa kalikasan, mga bantay-salakay na tauhan ng DENR sa ating mga bundok at kagubatan, at mga tusong illegal logger na ang iba’y mga sirkero at payaso sa pulitika. May makukulay at makabuluhang programa at gawaing inilulunsad upang bigyang-halaga ang pagdiriwang.
Ang pagdiriwang ng International Earth Day ay sinimulan sa USA noong Abril 22, 1970 na pinangunahan ni dating Wisconsin Senator Gaylor Nelson upang maaksiyunan ang unti-unting pagkawasak ng kapaligiran. Sa Pilipinas, si dating Senador Heherson Alvarez na naging DENR secretary at chairman ng Office of the Presidential Adviser on Climate Change, ang awtor ng Senate Resolution na nagtatakda na ipagdiriwang ang Earth Day tuwing ika-22 ng Abril, taun-taon.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Earth Day, nagsagawa ng pagtatanim ng seedling kawayan sa Hinulugang Taktak, sa Antipolo City, Rizal. Ang Earth Day sa Hinulugang Taktak ay magkatulong na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo sa pangunguna ni Antipolo City Mayor Jun Ynares lll at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal na pinangunahan ni Rizal Governor Nini Ynares. Aabot sa mahgit 1,000 seedling kawayan ang itinanim sa paligid ng Hinulugang Taktak na ngayon ay isa na sa mga tourist destination sa Rizal. Naging mga panauhin sina G. Michael Klechisky, deputy chief of mission ng US Embassy; Rizal Vice Gov. Frisco Popoy San Juan, Jr.; Antipolo City Councilor Ronald Barcenas na kinatawan ni Antipolo City Mayor Jun Ynares; Antipolo Councilor Loni Leyva na kinatawan naman ni Rizal Gov. Nini Ynares; Liza Ceelrio, director ng SM Care Program on Environment Sustainability; SM Supermall Vice President for Operation Rommel Ng; Atty. Perlie JoanneTurley, SM assistant vice president for Human Resources.
Ang mga lumahok sa pagtatanim ng seedling ng punong kawayan ay ang 50 scholar ng English Access Micro Scholarship Program; mga mag-aaral ng Signal Village National High School; ang Grreen team ng US Embassy, ang 30 tauhan ng SM Cares, ang 20 tauhan ng Young Souheast Asian Leaders, mga empleyado ng pamahalaang lungsod at ng pamahalaang panlalawigan.
Ang Hinulugang Taktak ay sumailalim sa rehabilitasyon noong 2014 at ito ay sa pagtutulungan ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal at ng pamahalaang lungsod ng Antipolo.