Ilulunsad ng TV5 at Event King Corporation ang Olympics campaign ads ng Team Philippines na sasabak sa Rio de Janeiro Summer Games sa Abril 26, sa Makati City.

Kabilang ang mga Pinoy Olympian noon at ngayon sa pagdiriwang sa ganap na 11:00 ng umaga, sa Jade Garden Restaurant sa Glorietta 2 sa Ayala Center, Makati City.

Ipahahayag sa naturang okasyon ang dalawang weekend activity na gaganapin din sa Bonifacio High Street Blue Bear Area sa Taguig City. Layunin nito na maipabatid sa madla ang nalalapit na pagdaraos ng Olympic Games.

Nakatakda ang Rio Olympics sa Agosto 5-21.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sisimulan din ang 100- day countdown sa Abril 29 na naglalayong makakuha ng suporta ng sambayanan ang ating mga atletang lalaban sa quadrennial meet at dalangin na makasikwat na ang Pinoy ng kauna-unahang gintong medalya sa Olympics.

Bukod sa mga Olympians, inaasahan din ang pagdalo sa okasyon ng mga matataas na opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at iba’t ibang sports association.

Sa kasalukuyan, anim na Pinoy pa lamang ang pasok sa Rio Games na kinabibilangan nina Eric Cray sa athletics, Rogen Ladon at Charly Suarez sa boxing, Ian Lariba sa table tennis, Heidilyn Diaz sa weightlifting at Kirstie Elaine Alora sa taekwondo. (Marivic Awitan)