Computer-generated image_for Rizaldy's TREKKERS copy

LA TRINIDAD, Benguet - Dalawang turista na patungo sa Mt. Yangbew ang hinoldap at sinaksak ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na ikinamatay ng isa sa mga biktima sa Barangay Tawang ng bayang ito, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang napatay na si Engr. Pam Banatin, 40, ng Calamba, Laguna, habang ginagamot ngayon sa ospital ang kasamahan nitong si Raquel Lorenzo Salinas, 38, isang physical therapist.

Ayon kay Senior Supt. Florante Camuyot, director ng Benguet Police Provincial Office, nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya laban sa mga suspek, base sa testimonya ng apat na saksi na hindi muna pinangalanan.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong 3:30 ng hapon nitong Huwbes at nai-report ito ng isang barangay tanod sa La Trinidad Municipal Police bandang 4:30 ng hapon.

Napag-alaman na ang patungo ang mga biktima sa Mt. Yangbew, na tinaguriang Junior Mount Pulag, para mag-trekking nang sundan sila ng dalawang lalaki na nadaanan nila.

Tinutukan umano sila ng mga suspek ng patalim sa likuran at pilit na hinablot ng isang suspek ang backpack ni Salinas, habang sinaksak naman sa leeg si Banatin ng isa pa.

Bago tumakas ay sinaksak din si Salinas ng mga suspek, tangay ang backpack na may lamang dalawang mamahaling cell phone, mga ID at pera.

Ang mga suspek ay nasa edad 18-30, may taas na 5’4”-5’6”, at kumalat na sa Facebook ang computer-generated image ng isa sa mga suspek, bagamat hindi pa tukoy ang pangalan nito.

Nilinaw ng pulisya na “face fit” o computer-generated image ang litratong nasa Facebook at ibinatay ito sa paglalarawan ng mga saksi. Naipadala na rin sa National Bureau of Investigation (NBI) ang litrato para sa matching at identification, ayon sa pulisya. (Rizaldy Comanda)