MAY ilang celebrities kaming nakausap na mas piniling hindi mag-endorso ng mga kumakandidato ngayong election 2016 nang may bayad dahil ayaw nilang ma-bash ng netizens.

“Hindi maiiwasan, eh, lalo na ngayong eleksyon,” paliwanag ng aktor na ayaw magpabanggit ng pangalan.

May ilang artista na kinukuha sanang mag-endorso ng kumakandidatong presidente at senador na malaki ang offer, pero tinanggihan nila dahil hindi naman daw nila iboboto.

“Hindi naman kasi sila ang iboboto namin, so unfair din iyon sa kanila, might as well suportahan na lang namin nang libre ‘yung talagang iboboto namin sa May 9,” katwiran sa amin.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ayaw magkomento ang mga kausap namin sa kapwa nila celebrity na tumanggap ng bayad sa sinusuportahang kandidato.

“Kanya-kanya lang ‘yan, we respect one another,” sabi pa.

Samantala, maraming artista kaming kilala na libre talaga ang ginagawang pagsuporta sa mga presidentiable dahil naniniwala sila sa platapormang inilatag sa taumbayan.

Paramihan ng artistang supporters sina Sec. Mar Roxas, Sen. Grace Poe at Mayor Rodrigo Duterte pero hindi na namin babanggitin kung sinu-sino sila. Gayundin sina Congw. Leni Robredo, Sen. Chiz Escudero at Sen. Bongbong Marcos.

May punto ang sinabi ni dating DOE Sec. Jericho Petilla sa isang panayam sa kanya na, “Ang ibang botante ay matatandaan ang isang kandidato kapag artista o na-link sa artista. ‘Pag presidente at bise presidente, matatandaan kapag may isyu. Ang sa akin, suriin din dapat kung sino ang magiging senador, tingnan kung ano ang ipinaglalaban nila, otherwise walang sisihan pagdating sa huli.”

Lahat may isyu sa tatlong tumatakbo sa pagkapresidente, kaya mamimili na lang ang mga botante kung sino sa kanila ang nararapat iluklok sa puwesto sa Mayo 9. (Reggee Bonoan)