PINATINDI ni Axl Rose ang excitement sa reunion ng Guns N’ Roses sa Coachella festival nitong Sabado, nang ihayag na siya ang magiging bagong frontman ng mas beteranong hard rock group na AC/DC.

Sa isa sa pinakaaabangang reunion sa mundo ng rock and roll, nagtanghal si Axl sa festival stage sa disyerto ng California kasama ang gitaristang si Slash, na hanggang ngayong buwan ay hindi sumasama sa kanyang dating bandmate at mahigit dalawang dekada nang kaalitan.

Nagdagdag ng sorpresa ang Guns N’ Roses nang biglang bumulaga sa entablado si Angus Young, ang lead guitarist ng AC/DC, para tumugtog kasama ng dalawa, ilang oras makaraang ihayag ng Australian rockers na si Axl ang bagong temporary singer ng banda.

Sa preview ng bagong AC/DC, ibinirit ni Axl ang kanyang klasikong hiyaw sa bersiyon niya ng Whole Lotta Rosie ng banda, habang palundag-lundag si Angus sa entablado sa trademark school uniform nito at pinakawalan ang signature rapid-fire guitar kasabay si Slash.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Noong nakaraang buwan, inihinto ng AC/DC ang kanilang North American tour nang ihayag na delikadong tuluyang mabingi ang singer nilang si Brian Johnson, 68, kung ipagpapatuloy ang pagtatanghal sa banda, na kilala sa pagiging maingay.

Ayon sa AC/DC, kasama nilang magtatanghal si Axl sa 12-show European leg na magsisimula sa Mayo 7 sa Lisbon.

Pagkatapos, balik-North America si Axl para sa arena tour ng bagong Guns N’ Roses, at ire-reschedule na lang ang 10 naipagpalibang AC/DC show sa United States.

Bagamat hindi pa makumpirma ng AC/DC kung magiging permanente na nilang frontman si Axl, sinabi ng banda na tuluyan nang nagretiro si Brian. Pinasalamatan nila ito “for his contributions and dedication to the band throughout the years.”

Gayunman, walang anumang pahayag si Brian tungkol dito, bagamat napaulat na dismayado siya sa biglaang pagbitaw sa kanya ng banda. Ayon sa ulat, hindi naman ganoon kaseryoso ang problema sa pandinig ni Brian upang bigla na lamang itong alisin sa AC/DC.

Hindi orihinal na miyembro ng banda si Brian, na naging lead singer lang nang pumanaw si Bon Scott noong 1980 dahil sa sobrang kalasingan.

Ang pagkawala ni Brian ang huling malaking pagbabago sa AC/DC. Nagretiro si Malcolm Young, ang rhythm guitarist ng banda at kapatid ni Angus, bago pa nai-release ang huling album nilang Rock or Bust, dahil sa dementia. Itinakwil naman ang drummer na si Phil Rudd matapos maaresto sa pag-uutos umano ng pagpatay sa New Zealand.

(Agencé France Presse)