SAN NICOLAS, Pangasinan - Nabulabog ang pangangampanya ng alkalde sa bayang ito matapos matunugan na may dalawang kahina-hinalang lalaking sakay sa motorsiklo ang nakasunod sa opisyal sa Barangay Bensican sa San Nicolas.
Sa impormasyong nakalap ng Balita kahapon mula kay Chief Insp. Arnold Soriano, hepe ng San Nicolas Police, ang dinakip ay si Leonilo Sarmiento, 43, may asawa, ng Bgy. San Miguel, Quezon, Nueva Ecija.
Naaresto ang suspek makaraang mapansin ng grupo ni Mayor Rebecca Saldivar na nakabuntot ito habang nangangampanya sila.
Pasado 9:15 ng umaga nitong Sabado nang kuyugin ng mga tagasuporta ni Saldivar si Sarmiento na noon ay nakasakay sa asul na Yamaha R6 (3264 GB), na nakarehistro sa ilalim ng Presidential Security Group.
Agad na dinakip si Sarmiento matapos makumpirmang may standing warrant of arrest laban dito para sa kasong murder.
Natuklasan na si Sarmiento ay dating leader ng isang gun-for-hire group na tinatawag na “Alakdan” at kumikilos sa Nueva Ecija.
Sinabi ng opisyal ng pulisya na may record pa ang suspek sa pagpatay sa dalawang pangulo ng Association of Barangay Captain (ABC) sa Region 3, at pagpaslang sa isang negosyante.
May kasama pang lalaki si Sarmiento, ngunit pinakawalan din ito kahapon matapos makumpirmang wala itong kinakaharap na kaso. (LIEZLE BASA IÑIGO)