“LALABANAN namin ang katiwalian,” wika ni VP candidate Chiz Escudero, “sa pamamagitan ng pagkakilala sa lahat ng uri ng discretionary funds sa budget.” Ayon kasi kay Escudero, kapag nilimitahan ang discretion, mas mababa ang tsansa na magkaroon ng kurapsiyon. Alisin aniya ang discretion, mawawala ang kurapsiyon. Ito ang solusyong sinabi ni Escudero sa tanong sa mga kumakandidato sa pagka-bise presidente kung paano susugpuin ang katiwalian sa gobyerno sa una nilang debate.
Ang pondong nasa budget na walang pinaglalaanang layunin ay tinatawag na discretionary fund o pork barrel. Ito ang uri ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas. Ang pondong ito ay malaya nilang nailalaan ayon sa sarili nilang layunin. Kaya nga sumulpot si Janet Lim-Napoles na siyang gumawa ng mga pekeng Non-government Organization (NGO) kung saan dito niya pinadaan ang PDAF na ibinigay sa kanya ng mga mambabatas kapalit ang malaking porsiyentong kinakaltas ng mga ito. Dahil nga sa paraang ito pinadugo ng mga mambabatas ang bayan, idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang PDAF.
Naging kinatawan si Escudero ng Sorsogon mula 1998 hanggang 2007. Kaya ang tanong sa kanya ni Rep. Leni Robredo, kapwa niya kandidato, ay kung ano ang ginawa niya para maalis ang PDAF bago ito pinawalangbisa ng Korte. “Nang maging senador na ako, pinairal ko ang desisyon ng Korte Suprema na inaalis ang PDAF at inilagay ko ito sa General Appropriations Act.”
Hindi sinagot ni Escudero ang tanong ni Robredo. Kaya inulit ng Kongresista ang tanong: “Matagal kang nasa Kongreso, ano ang ginawa mo para maalis ang PDAF?” Lihis pa rin ang sagot ni Escudero.
Hindi raw siya binigyan ng PDAF dahil kalaban niya noon si dating Pangulong Gloria.
Palagay ko, dapat din tanungin ni Robredo ang kapartido niya sa Liberal Party na si Congressman Magi Gunigundo na tumatakbong alkalde ng Valenzuela kaugnay sa tinamasa nitong PDAF bago ito maging ilegal.
Ano ang ginawa ng Kongresista dito? Mayroon daw siyang dalawa o tatlong foundation na pinaghandugan niya nito. Anu-ano ang mga ito at sinu-sino ang nagtatag ng mga ito? Hindi naman yata patas na ang tatanungin mo lang ay ang iyong kalaban kapag ikaw ay nanalo.