Stephen Curry, JaMychal Green

OAKLAND, California (AP) — Huling laro at huling pagkakataon para sa kasaysayan. At tulad ng inaasahan, hindi sumablay ang defending champion Golden State Warriors.

Sa pangunguna ng kanilang lider at premyadong shooting guard na si Stephen Curry, ginapi ng Warriors ang Memphis Grizzlies, 125-104, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila) para tanghaling kauna-unahang koponan sa kasaysayan ng NBA na nakapagtala ng 73 panalo sa isang season.

Nalagpasan ng Warriors ang 72-10 marka na nagawa ng Chicago Bulls, sa pangunguna ni basketball icon Michael Jordan noong 1995-96 season.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Naitala rin ng reigning MVP na si Curry ang bagong kasaysayan sa aspeto ng shooting nang tanghaling kauna-unahang player na nakapagtala ng 402 3-pointer sa isang season matapos umiskor ng 46 na puntos, tampok ang 10 three-pointer.

Nag-ambag si Draymond Green ng 11 puntos, siyam na rebound at pitong assist para sa Warriors na nagbabantang angkinin ang ikalawang sunod na NBA championship.

Dumagundong sa hiyawan ng crowd ang Oracle Arena sa pagtunog ng final buzzer at hudyat para sa hindi matatawarang pagdiriwang sa pinakabagong kasaysayan na naitala ng prangkisa.

Sa nakalipas na season, tinuldukan ng Warriors ang 40 taong pagdarahop sa kampeonato at ngayong season, liyamado ang Warriors para sa unang back-to-back title.

ROCKETS 116, KINGS 81

Sa Houston, nakamit ng Rockets ang No.8 spot sa Western Conference playoff nang paluhurin ang Sacramento Kings.

Makakaharap ng Rockets ang top seed at defending champion Golden State Warrior sa first round ng playoff.

SPURS 96, MAVERICKS 91

Sa Dallas, tinapos ng San Antonio Spurs, sa pangunguna nina rookie Boban Marjanovic at Jonathon Simmons, ang regular season sa impresibong panalo kontra Maverics.

Bumagsak sa No.7 ang Mavericks para maisaayos ang first round playoff kontra sa No.2 Spurs.

PISTONS 112, CAVALIERS 110, OT

Sa Cleveland, naungusan ng Detroit Pistons ang Cavaliers sa overtime.

Hindi na naglaro ang starter ng Cleveland para paghandaan ang playoff kung saan haharapin nila ang No.8 Pistons.

RAPTORS 103, NETS 96

Sa New York, naitala ni rookie Norman Powell ang career-high 30 puntos sa panalo ng Toronto kontra Brooklyn.

Kasado na ang pagiging No. 2 seed sa Eastern Conference, hindi na naglaro sina starter Kyle Lowry at DeMar DeRozan, center Jonas Valanciunas, James Johnson at DeMarre Carroll.

Sa iba pang laro, nagwagi ang Boston Celtics kontra Miami Heat, 98-88; ginapi ng Washington Wizards ang Atlanta Hawks, 102-98; pinabagsak ng Orlando Magic ang Charlotte Hornets, 117-103; pinataob ng Indiana Pacers ang Milwaukee Bucks, 97-92; sinuwag ng Chicago Bulls ang 76ers, 115-105; nilapa ng Minnesotta Timberwolves ang New Orleans Pelicanx 144-109.