CAPAS, Tarlac – Isang negosyante ang nabiktima ng sindikato ng gold bar at natangayan ng malaking halaga sa Sitio Kalangitan, Barangay Cut-Cut 1st, Capas, Tarlac.

Kaagad na nakapagresponde ang mga awtoridad at nahuli ang magkapatid na suspek na sina Johnny, 45, at Isagani Sabat, 37, at Dominador Pones, 42, kapwa residente ng Sitio Barmat, Bgy. Cut-Cut 1st ng nasabing bayan.

Ang biktima ay si George Abaño, 31, single, ng Purok 3, Bgy. Dolores, Mexico, Pampanga.

Ayon sa pulisya, pinuntahan ni Johnny Sabat si Abaño sa bahay nito at inalok na bilhin ang mga gold bar ng kakilala ng kapatid niyang si Isagani.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nakumbinsi si Abaño na sumama at magtungo sa Sitio Kalangitan subalit habang sila ay naglalakad sa kalsada ay biglang lumitaw ang anim na lalaki at tinutukan sila ng baril. Tinangay ng mga ito ang P60,000.00 cash, cellphone, relo at mga alahas ng biktima.

Sa tindi ng takot ni Abaño ay tumakbo ito at tumalon sa sapa subalit binaril siya ng mga suspek at tinamaan sa kanang binti. Kasalukuyan siyang ginagamot sa Ospital Ning Capas. (Leandro Alborote)