DAVAO CITY – Tuluyan nang naapula ang sunog na lumamon sa ilang bahagi ng kagubatan sa pinakamataas na bundok sa bansa, ang Mt. Apo, sa nakalipas na mga linggo, ayon sa pangunahing opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 11.
Ayon kay DENR-11 Director Joselin Marcus Fragada, nagtagumpay ang mga tauhan ng DENR, katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP) at daan-daang volunteer na tuluyang maapula ang pagliliyab na nagbabantang puminsala sa mga likas na yaman sa Mt. Apo, partikular na ang endemic na mga halaman at hayop dito.
“We are now on ground validation process especially in the dried areas where there are still smoke. We are also trying to make the fire lines bigger,” sabi ni Fragada, sinabing ginagawa ng daan-daang volunteer ang lahat upang tuluyan nang maapula ang sunog sa Mt. Apo Natural Park (MANP).
Sa isang hiwalay na pahayag nitong Lunes, sinabi ng Provincial Incident Management Team (PIMT) sa lugar na ang mga operasyon nila sa Mt. Apo ay nasa stabilization state na.
Ayon kay Fragada, susunod na pagtuunan ng pansin ng DENR-11 ang rehabilitasyon ng Mt. Apo, na isinara na rin sa mountaineers.
Marso 26, Sabado de Gloria, nang magsimula ang sunog sa Mt. Apo. (Alexander D. Lopez)