Hindi nasiraan ng loob ang isang babaeng negosyante at kahit tinutukan siya ng baril ng holdaper na nambiktima sa kanya ay nagawa niya itong maipaaresto sa labas ng kanyang opisina sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Galit na galit si Ludivina Deloraga, 63, ng General Concepcion Street, Barangay 132, Bagong Barrio, habang kinukuhanan ng pahayag sa loob ng himpilan ng pulisya kaharap ang suspek na si Alhrey Ticman, 33, kalugar ng biktima.

Kuwento ni Deloraga, dakong 10:00 ng umaga nang pumasok sa kanyang Golden Yadi Job Contracting Services, sa panulukan ng Asuncion Street at EDSA, ang suspek at tinutukan siya ng .38 caliber revolver bago nagpahayag ng hold-up. Kinuha ni Ticman ang cell phone at pera ni Deloraga.

Pagtalikod ni Ticman, mabilis na humingi ng tulong sa security guard ng gusali si Deloraga at hinabol ang lalaki hanggang sa makorner.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nabawi sa suspek ang pera at cell phone ni Deloraga, gayundin ang baril na ginamit sa panghoholdap.

“Hindi po ako natakot habang tinututukan n’ya (Ticman) ako ng baril. Ang sabi ko sa sarili ko, hindi ako papayag na hindi siya mahuli at matangay ang mga gamit ko,” ani Deloraga.

Nahaharap sa mga kasong robbery hold-up, illegal possession of firearms and ammunitions, at paglabag sa election gun ban si Ticman. - Orly L. Barcala