Pacquiao Bradley Boxing

Ikatlong duwelo nina Pacman at Bradley sa MGM Grand.

LAS VEGAS (AP) — Sa ikatlong pagkakataon sa loob ng anim na taon, maghaharap sina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa duwelo na ipinapalagay na huling El Bimbo ng eighth-division world champion.

Hindi man kasingtaas ang ‘hyped’ kumpara sa laban kay Floyd Mayweather, Jr. may isang taon na ang nakalilipas, walang dapat sayangin na sandali ang premyadong fighter sa kanilang muling pagtututos ni Bradley sa MGM Grand Arena Garden dito.

Trending

Tikiman time! Kakasa ka bang kainin ang Pomegranate?

Balik si Manny Pacquiao sa pamilyar na lugar, laban sa pamilyar na karibal.

Ngunit sa pagkakataong ito, tila buo na ang pasya ni Pacman na iwan ang lona at isabit ang pamosong gloves.

Wala na sa kanyang plano ang rematch kay Mayweather o harapin ang sinumang posibleng maging kalaban. Nakatuon na ang pansin ng future hall-of-fame ang kanyang pagtakbo sa pagka-senador sa gaganaping halalan sa Pilipinas sa Mayo 9.

“Expect more action in the ring (tomorrow) and a good fight than the last fight that we had,” pangako ni Pacquiao sa mga kababayan na sumaksi sa isinagawang weigh in.

Kondisyon ang katawan ni Pacquiao na may bigat lamang na 145.5 lbs. habang mas mabigat si Bradley sa 146.5 lbs. Ang hangganan sa welterweight division ay 147 lbs.

Tulad nang nakalipas na dalawang laban, kung saan nagwagi via decision si Bradley sa unang duwelo, dehado ang katayuan niya sa laban.

Sublit, binalaan ni Bradley ang kampo ni Pacquiao.

“This is another opportunity to show the world that I’m the top pound-for-pound fighter in the world and that I can beat Manny Pacquiao,” pahayag ni Bradley.

“There’s going to be a lot of disappointed fans out there,” paniniguro niya.

Garantisado na matatanggap ni Pacman ang US$7 million, bukod pa sa US$12 million mula sa pay-per-view at iba pang sponsorship, habang maiuuwi ni Bradley ang US$3million.

Tangan ni Pacquiao ang markang 57-6-2, tampok ang 38 TKO, habang haharap si Bradley na may rin record na 33-1-1, 13 KOs.

“If this is my last fight, I am O.K. with that,” pahayag ni Pacquiao. “I am ready to leave boxing and move on with my life.”

Para kay Freddie Roach, ang matagal nang trainer ni Pacquiao, wala pang kasiguraduhan kung ito nga ba ang huling laban ni Pacman.

“Manny loves to compete and nothing can take the place of boxing when it comes to competition,” sambit ni Roach.

“Some days, I think this is really it, his last fight, and some days, I think I better have the gym ready for him come fall.”

“He hasn’t slowed down at all,” sambit ni Roach.

“He still has a couple fights left in him.”