April 13, 2026

Home BALITA Metro

4 na katao, inararo ng kotseng nawalan umano ng preno; patay!

4 na katao, inararo ng kotseng nawalan umano ng preno; patay!

Patay ang apat na katao, kabilang ang isang senior citizen, nang araruhin ng isang kotseng nawalan umano ng preno sa Angono, Rizal noong Linggo, Marso 15.

Kabilang sa mga nasawi ay isang 69-anyos na homeless na lola, na nakatambay lamang sa lugar; isang 23-anyos na motorcycle rider at ang angkas niyang nobya, na 26-anyos lamang at kapwa dadalo lamang sana sa birthday party ng isang kaibigan; at isang 15-anyos na binatilyo, na bumibili lamang ng tinapay sa panaderya.

Pinalad namang nakaligtas, bagama't nasugatan din at nabungian pa ng ngipin ang isang 13-anyos na binatilyo, na kostumer din ng bakery.

Samantala, arestado naman ang 66-anyos na driver ng kotse na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries sa piskalya.

Batay sa ulat ng Angono Municipal Police Station, pasado ala-1:00 ng hapon nitong Linggo nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng Manila East Road sa Barangay San Isidro, sa Angono.

Metro

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO

Kasalukuyang binabaybay ng magkasintahang rider ang naturang lugar upang dumalo sana sa isang birthday party sa Tanay, nang biglang dumating ang isang pulang kotse na mabilis ang takbo at kaagad silang sinalpok.

Sa tindi ng impact nang pagkakabangga, tumilapon ang magkasintahan na nagresulta sa pagtatamo nila ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dumire-diretso pa naman ang kotse sa isang bakery sa lugar at direktang nasalpok ang lola at dalawang binatilyo.

Kaagad na binawian ng buhay ang lola na naipit ng kotse habang naisugod pa sa pagamutan ang magnobyong rider at ang binatilyo ngunit nasawi rin kinalaunan.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang driver ng kotse ngunit ayon kay PEMS Hector Cardinales, imbestigador ng Angono Police, sinabi niyang nawalan ng preno ng kotse sa pabulusok na kalsada, kaya’t dumi-dumiretso ang sasakyan ng driver na nagresulta sa aksidente.