Dahil inaasahang magiging traffic-free ang Metro Manila ngayong Linggo, bibigyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga traffic enforcer, street sweeper, at iba pa nitong tauhan ng libreng live screening ng laban ng boxing legend na si Manny “Pacman” Pacquiao sa Amerikanong si Timothy Bradley ngayong araw.
Ang live viewing ng ikatlong laban nina Pacquiao at Bradley ay gagawin sa MMDA Sports Center, na nasa headquarters ng ahensiya, ngayong Linggo ng umaga.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos na may 200 manggagawa ng ahensiya ang inaasahang manonood ng laban.
Nilinaw naman ni Carlos na tanging mga off duty na front liner ang pahihintulutang manood ng laban, dahil may iba namang nakatoka sa mga lansangan ng Metro Manila ngayong umaga.
Matatandaang naging tradisyon na sa bansa na tuwing may laban si Pacquiao ay nananatili lang sa kani-kanilang bahay o sa mga establisimyentong magpapalabas ng fight ang maraming Pilipino upang tutukan ang pagpapalabas ng laban ng ating Pambansang Kamao. (Anna Liza Villas-Alavaren)