Ilang pasyente ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz, Maynila ang kinailangang ilikas nitong Huwebes ng gabi dahil sa sunog na sumiklab sa elevator ng pagamutan.

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP)-Manila Fire Inspector Beverly Grimaldo, dakong 11:23 ng gabi nang magsimula ang sunog sa elevator na nasa ikalawang palapag ng ospital.

Kaagad namang na-evacuate ang mga pasyente at mga kasama ng mga ito dahil sa maitim na usok na nagmumula sa elevator.

Kasamang inilikas ang may 66 na sanggol mula sa Newborn Intensive Care Unit, gayundin ang kanilang mga ina.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaagad din namang pinabalik sa pagamutan ang mga pasyente matapos maideklarang fireout ang sunog dakong 11:52 ng hatinggabi.

Ayon sa BFP, maliit lamang ang naging pinsala ng sunog, at wala ring iniulat na nasugatan o nasawi sa sakuna.

(Mary Ann Santiago)