Pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga overseas Filipino worker (OFW) na iboto ang mga kandidatong may moralidad.

Ginawa ni Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People, ang paalala sa inisyu nitong pastoral statement, kaugnay ng pagsisimula ngayong Abril 9 ng isang-buwang overseas absentee voting (OAV).

Ayon kay Santos, bukod sa academic at professional qualifications, dapat ding isaalang-alang ng mga overseas absentee voter ang “moral excellence” ng mga kandidato.

“Let us now use our hands in choosing and voting for true and a moral person,” bahagi ng pahayag ni Santos.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Hinikayat rin niya ang mga OFW na suportahan ang mga kandidato batay sa “4Ps” o ang program, protection, promotion at prosecution.

Giit pa niya, kailangan ng bansa ng mga leader na makapagbibigay sa kanila ng livelihood generation programs at kaya silang maprotektahan laban sa pang-aabuso, pagmamaltrato, at pagsasamantala.

Dapat rin aniyang iboto ang mga leader na magtatanggol sa buhay, magsusulong sa dignidad ng mamamayan at magpo-prosecute sa lawless elements.

“We are the ones who will benefit from the people whom we voted. And we are the ones who will also be affected from whoever we elected to government posts,” aniya pa.

Tinatayang 1.4 milyon sa walong milyong OFW ang lalahok sa OAV para bumoto ng mga kandidato sa pagkapangulo, pagka-bise presidente at party-list group. (MARY ANN SANTIAGO)