BACOLOD CITY – Apatnapu’t dalawang bahay ang natupok at nasa 50 baboy ang nalitson nang buhay sa sunog sa Bacolod City nitong Huwebes.
Ayon kay Supt. Rodolfo Denaga, Bacolod City fire marshal, nagsimula ang sunog sa bahay ni Angelita Carino sa Purok Litsonan, Barangay 36, dakong 11:15 ng umaga nitong Huwebes.
Sinabi ni Denada na makitid ang daan sa lugar, bukod pa sa may dead end, kaya nahirapan ang mga bombero na apulahin ang apoy.
Aniya, tinatayang aabot sa mahigit P800,000 ang halagang natupok ng apoy.
Kilala ang lugar na bentahan ng lechon. Isang tindero ng lechon ang nawalan ng lahat ng 40 baboy na kabibili lang niya, habang nagawa namang magpulasan sa katabing ilog ang iba pang baboy.
Ayon kay Pacita Tiero, hepe ng Department of Social Services and Development (DSSD) ng Bacolod City Hall, na 81 katao ang apektado ng sunog, at aayudahan ng pamahalaang lungsod ang mga ito. (Carla N. Canet)