SA huling survey ng SWS, nanguna na si Sen. Grace Poe. Pero, batay sa margin of error, statistically tied pa rin sila ni Mayor Duterte. Ginawa ang survey pagkatapos ng presidential debate bago ang Mahal na Araw. Sumunod sa dalawa ay sina VP Binay at Sec. Mar Roxas. Ang tanong sa nasabing nasurvey ay: Kung maghahalalan ngayon, sino ang iboboto mong pangulo? Pero sinamahan pa ito ng katanungan na: Kung sino sa mga tumatakbo ang ayaw niyang maging pangulo? At ang nanguna sa resulta ay sina Roxas at VP Binay.
Ang ibig lang sabihin nito, sa panahon na ginawa ang survey, ay ayaw na ng taumbayan sa mga opisyal na may katagalan nang nasa gobyerno, anuman ang kanilang naging posisyon. Maaaring hindi na sila kuntento sa naging bunga ng kanilang panunungkulan. Hindi nila natamasa ang kasagutan sa kanilang mga problema. Kaya, nais naman nila ang bago.
Ito ang kabutihan ng halalan. Nagbibigay ito ng bagong pag-asa sa mamamayan. Hindi sila nagsasawang gamitin ang kanilang kapangyarihan upang sumubok ng bagong lider. Hindi rin sila nanghihinawang mabigo ng mga taong inaakala nila ay magbibigay sa kanila ng magandang bukas. Para kasing bahagi na ng kanilang buhay bilang mamamayan ang mabigo.
Sa ating pulitika, nag-uumpisang mabango at mahal ng tao ang bagong halal na lider. Pero, hindi pa nagtatagal sa kanyang puwesto, unti-unti nang lumalamig ang trato sa kanya ng sambayanan. Nahahalinhinan na ito ng kanilang pagkadismaya at kalaunan ay galit sa kanilang pinuno.
Ito naman ang pangit sa ating halalan. Napakagastos ang kumandidato at humingi ng basbas sa taumbayan. Uubos ka ng napakalaking halaga para sa iyong kandidatura. Sa pagnanais mong magwagi, hindi mo maiiwasan ang tulong na ibibigay sa iyo ng mga taong ginagawang negosyo ang pulitika. Ito naman ang kahalagahan ng survey. Pinopondohan ng malaki ang kandidatura ng kandidatong sa palagay nila ay mananalo o kaya’y may pag-asang manalo ayon sa bunga ng survey. Kapag nanalo na ang kanilang tinulungan, sobra-sobra nilang babawiin ang kanilang naitulong. Babayaran naman sila ng kanilang tinulungan sa paggamit ng kapangyarihan ng gobyerno para sa kanilang interes. Sa halip na gamitin ang kapangyarihan ng taumbayan para sa kanilang kapakanan, gagamitin nito para itaguyod ang interes ng iilan.
Maghihintay na namang muli ang mamamayan ng halalan para umasa at mabigo. (Ric Valmonte)