Muling nagpaalala si Labor Secretary Rosalinda Baldoz kaugnay sa babala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) tungkol sa paulit-ulit na employment scam gamit ang pangalan ng isang hotel company.
“We were informed that in addition to the previous modus operandi of these unscrupulous scammers, which include sending e-mails to unsuspecting job seekers, they are now prowling for victims in social media,” pahayag ni Baldoz.
Sinabi ni POEA Administrator Hans Leo Cacdac, sa isang Facebook post, dating nag-aalok ang scammer ng mga pekeng trabaho sa Marriott Hotel sa Canada at ngayon ay sa Marriott Hotel sa United Kingdom naman.
Nilinaw ni Cacdac na ang malalaking kumpanya, tulad ng Marriott Hotel, ay may sariling website para sa mga inaalok na bakanteng trabaho at hindi gumagamit ng libreng e-mail service provider at Facebook upang mangalap ng empleyado.
Hindi rin sila naniningil ng pera o anumang halaga para sa pagpoproseso ng aplikasyon ng isang aplikante.
(Mina Navarro)