PATULOY ang paghahari sa ere ng ABS-CBN. Nitong nakaraang buwan, pawang mga programa sa Channel 2 ang Top 10 programs. Nakakuha rin ang network ng national average audience share na 45% sa pinagsamang urban at rural homes kumpara sa 35% ng GMA base sa viewership survey data ng Kantar Media.

Tuluy-tuloy sa paghahari ang Teleserye King na si Coco Martin sa phenomenal series na FPJ’s Ang Probinsyano (43.2%, average rating sa buong Pebrero), ang numero unong programa sa buong bansa mula nang simula itong ipalabas limang buwan na ang nakalilipas. Pumangalawa ang Pangako Sa ‘Yo (40.1%), na paulit-ulit na binasag ang sariling ratings records sa huling buwan nito sa ere.

Unang beses na hinigitan ng dalawang programa ang 40% mark para sa monthly average rating mula nang ipalabas. Ang iba pang programa ng Kapamilya Network na nakapasok sa Top 5 ay ang pumangatlo at katatapos na Dance Kids (35.2%), sumunod ang Dolce Amore (34.6%) na bagong paborito sa primetime, at ng weekend program na Pilipinas Got Talent Season 5 (32.7%).

Kinumpleto ang Top 10 programs ng MMK (31.6%), TV Patrol (30%), ang natatanging newscast program sa Top 10, Wansanapataym (29.8%), Home Sweetie Home (26.7%), at Rated K (24.6%).

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

 

Samantala, sa weekday noontime slot naman, patuloy na namamayagpag ang It’s Showtime (18.1%) laban sa Eat Bulaga sa ratings war, sa tagumpay ng bagong segment nitong “Tawag ng Tanghalan”. Laglag ang Eat Bulaga sa Top 20 programs sa nakamit nitong 14.9%. Patuloy naman na tinatalo ng Be My Lady (17.5%) ang katapat nitong Princess in the Palace (8.7%). Ang afternoon block ng istasyon ay nakakuha ng 42% nationwide rating laban sa 37% ng GMA.

Mataas din ang rating ng bagong singing contest ng ABS-CBN tuwing weekend na I Love OPM (20.1%), kaya pasok din ito sa Top 20 programs. Ang iba pang ABS-CBN weekend shows na nakapasok din sa Top 20 ay ang Goin’ Bulilit (21.4%), at Ipaglaban Mo (18.7%).

Namamayagpag pa rin ang ABS-CBN sa Balance Luzon (mga lugar sa Luzon sa labas ng Mega Manila) sa national average audience share na 46% kontra 36% ng GMA; sa Visayas sa audience share na 55% kontra 26% ng kalaban; at sa Mindanao na may 57% kontra 26%. (ADOR SALUTA)