PARIS – Ilang bansa ang naglunsad ng imbestigasyon sa tax evasion matapos ang malaking leak ng mga confidential document na nagbunyag sa mga palihim na offshore financial dealing ng mga pulitiko at celebrity.

Pumutok ang eskandalo nitong Linggo nang simulan ng the International Consortium of Investigative Journalists ang pagbubunyag sa mga resulta ng isang taong imbestigasyon sa 11.5 milyong dokumento mula sa Panamanian law firm na Mossack Fonseca, na dalubhasa sa paglilikha ng mga offshore shell company.

Kabilang sa mga pinangalanan sa “Panama Papers” ang mga kaalyado ni Russian President Vladimir Putin, mga kamag-anak ni Chinese leader Xi Jinping at si Iceland Prime Minister Sigmundur David Gunnlaugsson, gayundin ang Barcelona striker na si Lionel Messi.

Sa Reykjavik, ang kabisera ng Iceland, libu-libo ang nagprotesta sa mga lansangan nitong Lunes upang hilingin ang pagbibitiw ng premier dahil sa mga alegasyon na gumamit siya at ang kanyang asawa ng offshore firm para itago ang milyun-milyong dolyar na investment.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Naglunsad na ang Australia ng imbestigasyon sa 800 mayayamang kliyente ng Mossack Fonseca. Inanunsiyo din ng France at Netherlands ang imbestigasyon, habang sinabi ng isang judicial source na iniimbestigahan ng Spain ang law firm sa money-laundering.

Nangako rin ang Panama na mag-iimbestiga upang tukuyin kung mayroong nagawang krimen.

Mahigit 500 bangko, kanilang subsidiaries at branches, ang nakipagtrabaho sa Mossack Fonseca simula 1970s upang tulungan ang mga kliyente na i-manage ang offshore companies. Nagtayo ang UBS ng mahigit 1,100 at ang HSBC at affiliates nito ay lumikha ng mahigit 2,300.

Hindi illegal ang offshore financial dealings ngunit maaaring gamitin ang mga ito upang itago ang mga ari-arian mula sa tax authorities, mga kinita mula sa criminal activities o yamang nakamal sa maling paraan o paggamit ng impluwensiya sa politika.

Nahila sa kontrobersiya ang pangalan ng 140 politiko at 12 kasalukuyan o dating head of state.

Ilan pa sa mga kilalang pangalan na nabunyag ang mga transaksiyon sa mga dokumento: ang miyembro ng FIFA ethics committee na si Juan Pedro Damiani, Oscar-winning Spanish film director Pedro Almodovar at actor na si Jackie Chan, Ukrainian President Petro Poroshenko, Saudi King Salman bin Abdulaziz bin Abdulrahman al Saud, Argentine President Mauricio Macri, Syrian President Bashar Assad, dating Georgia Prime Minister Bidzina Ivanishvili, dating Iraqi Interim Prime Minister Ayad Allawi, dating Jordanian Prime Minister Ali Abu Al-Ragheb, dating Qatari Prime Minister Hamad Bin Jassim Bin Jaber Al Thani, United Kingdom Prime Minister David Cameron, Chinese “Power Queen” Li Xiaolin, anak ni Hosni Mubarak na si Alaa Mubarek, at si Pilar De Borbon, ang kapatid ni Spain King Juan Carlos I.

(Agence France-Presse at USA Today)