Pabor si Nationalist People’s Coalition (NPC) senatorial candidate Win Gatchalian sa pagpapatupad ng national identification system hindi lamang upang mapabuti ang serbisyo ng gobyerno kundi bilang pangontra sa money laundering sa bansa.
Sa pamamagitan ng paghihigpit sa kalakaran sa mga bangko, tulad ng know-your-client rule, kasama ang national ID system gamit ang biometrics, sinabi ni Gatchalian na mas mapoproteksiyunan ang mga financial institution laban sa money laundering.
“A national ID system which is biometrics-based would prevent money launderers from creating fictitious bank accounts as what had happened to the case of the recent $81-million money-laundering case involving the Jupiter branch of Rizal Commercial Banking Corp,” pahayag ni Gatchalian, na kandidato sa ilalim ng Partido Galing at Puso (PGP) ng presidential frontrunner na si Grace Poe at ng katambal nitong si Sen. Chiz Escudero.
Bagamat ginagamit na ng Commission on Elections (Comelec) ang biometrics-based ID system, kailangan pang palawakin ng gobyerno ang paggamit ng national ID, na inendorso rin ng Philippine National Police (PNP) bilang epektibong panlaban sa mga organized crime syndicate.
Partikular na isinusulong ni Gatchalian ang pagkakaroon ng personal reference number o PRN na makapaglilikha ng Philippine Statistics Authority na nakarehistro sa National Database System (NDS) na kanyang prioridad kapag palaring mahalal sa Senado.