Sinamsam ng Vietnam coast guard ang isang bangkang Chinese na illegal na pumasok sa karagatan nito, inihayag ng state media kahapon.
Iniulat ng pahayagang Thanh Nien na hinila ang barko patungo sa hilagang port city ng Hai Phong, at idinetine ng mga awtoridad ng Vietnam ang kapitan at dalawang mandaragat na pawang Chinese.
Nagkunwari ang barko na bangkang pangisda at may dalang 100,000 litro ng diesel oil nang masabat ng Vietnamese coast guard malapit sa Bach Long Vi island sa Gulf of Tonkin nitong Huwebes, ayon sa ulat.
Sinabi ng kapitan sa mga awtoriodad na ibebenta nila ang mga panggatong sa mga Chinese fishing boat na nasa lugar, ayon dito.
Sa nakalipas na dalawang linggo ng Marso may 110 Chinese fishing boat na ang hinabol ng coast guard palayo sa dagat ng Vietnam. Palaging nagrereklamo ang mga mangingisdang Vietnamese na tinatakot at inaatake sila ng Chinese authorities at inaagaw ang kanilang mga nahuling lamang dagat habang nangingisda sa South China Sea. (AP)