OAKLAND, California (AP) — Nasa parehong sitwasyon si Stephen Curry, ngunit kakaiba ngayon ang resulta para sa defending champion Golden State Warriors.

Nagmintis sa kanyang game-tying 3-pointer ang nangungunang shooter sa NBA, may 5.3 segundo sa laro, sapat para mailusot ng Boston Celtics ang 109-106 panalo nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Ito ang kauna-unahang kabiguan ng Warriors sa Oracle Center sa loob ng 14 na buwan at maputol ang NBA record 54-home game winning streak sa regular season.

Kabilang dito ang 36 na sunod na panalo ngayong season. Bago ito, hindi pa natatalo ang Warriors sa kanilang tahanan mula nang maungusan ng Chicago Bulls, 113-111, sa overtime noong Enero 27, 2015.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nailagay ni Isaiah Thomas ang bentahe ng Boston sa tatlong puntos mula sa driving layup, may 8.3 segundo ang nalalabi. Kumubra siya ng kabuuang 22 puntos.

Nakadikit ang Warriors sa 103-105 mula sa free throw ni Shaun Livingston sa huling 46.9 segundo, bago naagaw ni Draymond Green ang bola mula kay Amir Johnson para maibalik ang opensa sa Golden State. Tumawag ng time out si coach Steve Kerr, ngunit nagtamo ng error si Green, may 23.9 segundo sa laro.

Naisalpak ni Evan Turner ang dalawang free throw para sa 107-103, may 18.1 segundo, bago nakaganti ng 3-pointer si Harrison Barnes mula sa assist ni Curry.

CAVS 110, HAWKS 108 (OT)

Sa Atlanta, ratsada si LeBron James sa 29 na puntos para lagpasan ang isa pang Hall of Famer sa NBA career scoring list tungo sa panalo ng Cleveland Cavaliers sa overtime kontra Hawks.

Humugot din si James ng 16 na rebound at nagmintis lang ng isang assist para sa triple-double. Nahigitan niya sa ika-11 puwesto si Oscar Robertson (26,710) sa naitumpok na 26,711 puntos.

HORNETS 100, 76ERS 91

Sa Charlotte, North Carolina, ginapi ng Hornets, sa pangunguna ni Kemba Walker na kumana ng 27 puntos at 11 rebound, ang Philadelphia 76ers para patatagin ang kampanya na makasikwat ng puwesto sa Eastern Conference playoff.

Tangan ang 44-31 marka, sigurado na ang Hornets sa matikas na postseason berth sa ikalawang sunod na season kung matatalo ng Detroit ang Chicago sa Sabado (Linggo sa Manila).

Nanguna sa Sixers sina Jerami Grant at Hollis Thompson na may tig-17 puntos.

MAVERICKS 98, PISTONS 89

Sa Auburn Hills, Michigan, ratsada sina J.J. Barea sa natipang 29 na puntos at Dirk Nowitzki na may 19 na puntos sa panalo ng Dallas Mavericks sa Detroit Pistons.

Bunsod ng panalo, nanatili ang Dallas na tabla sa Utah para sa ikapitong puwesto sa Western Conference playoff.

Sa kabila ng kabiguan, nanatiling tangan ng Detroit ang bentahe sa Indiana para sa ikawalong puwesto sa East.

Sa iba pang mga laro, nagwagi ang New York Knicks kontra Brooklyn Nets, 105-91, ginapi ng Milwaukee Bucks ang Orlando Magic, 113-110; dinaig ng Toronto Raptors ang Memphis Grizzlies, 99-95; at pinatahimik ng Utah Jazz ang TimberWolves, 98-85.